Ebanghelyo: Mt 8:23–27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus.
Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.
Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat.”
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, ating nasaksihan kung paanong sa isang salita lamang ni Hesus ay kumalma na ang alon at hangin. Sa puntong ito, lumalalim pa lamang ang relasyon ni Hesus sa kanyang mga alagad kaya mapapansin natin na hindi pa ganoon katibay ang kanilang pananampalataya. Kahit kasama nila si Hesus, natakot pa rin sila sa malakas na bagyo. Ang isang scenario na pwede sanang mangyari ay tinuruan ni Hesus na harapin ng mga alagad ang bagyo, bigyan sila ng tapang hanggang matapos ito. Ngunit hindi Niya ito ginawa, pinatahimik niya ang bagyo sa lawa at ipinagkaloob niyang mawala agad ang kanilang takot. Ipinakita rito ang pagiging maawain at maunawain ni Hesus. God meets us where we are. Mapagpasensya siyang nag-aakay sa atin sa ating spiritual journey. Sinisiguro niyang ang bawat pagsubok ay kakayanin natin at sa mga panahong tayo ay natatakot at nanghihina, agad siyang sumasaklolo. Itinuturo Niya sa atin na siya ay hari hindi lamang ng sangkalikasan kundi hari higit sa lahat, ng ating puso, na kayang pawiin ang mga takot natin sa buhay.
Kapanalig, saan, ano o kanino ka natatakot? Huwag kang magdalawang-isip at gisingin si Hesus sa iyong mga panalangin. Sabi nga sa isang salmo at awitin, “Sa Diyos lamang mapapanatag ang aking kaluluwa, sa kanya nagmumula ang aking pag-asa at kaligtasan.”
Panalangin: Panginoon ikaw aking liwanag at kaligtasan, ang muog ng aking buhay; ikubli mo akong palagi sa iyong kanlungan sa araw ng kaguluhan. Tulungan mo ako, O Diyos, huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan. Ituro mo sa akin, ang iyong kagustuhan, sa ligtas na landas ako’y iyong samahan. Dalangin ko rin ito O Diyos, para sa aking pamilya at sa lahat ng nangangailangan. Amen.