Daughters of Saint Paul

Hunyo 4, 2025 – Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: JUAN 17:11-19

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pakabanalin sa katotohanan.”

Pagninilay: Ipinagdarasal mo ba ang iyong kaibigan? At kung alam din natin na ipinagdarasal tayo ng ating friends, especially our very close friend, secure tayo, di ba? Isa ito sa mga dahilan na masasabi natin na “That’s what friends are for.” Kaibigan ang turing ng ating  Hesus Maestro sa mga alagad. Kaya, nilalaman ng Priestly Prayer Niya ang loving concern sa mga alagad. Di ba sa Lumang Tipan, mga pinunong pari ang tagapamagitan ng Diyos at mga tao? This time, pinuspos Niya ang panalangin Niya ng malalim na malasakit sa kaibigan. Bukod pa rito, ang priestly prayer ng ating Hesus Maestro ay itinuturing na permament state of intercession. Kaya sa panalangin Niya na mapabuti ang mga alagad, saklaw na rin tayong lahat sa Kanyang isip at puso. Loob Niyang maging maligaya tayo, ligtas mula sa kasamaan, at maging banal sa biyaya ng Katotohanan. Mahalimuyak ito tulad ng insenso sa harap ng Diyos Ama. Kaya, pinapakinggan, tinatanggap at nilalanghap ng Diyos Ama ang lahat ng panalangin sa pamamagitan ng Diyos Anak.  Kapanalig, iniwan man tayo ng ating kaibigan, inaalipusta man tayo ng mga masasama, at tinutukso ng kasinungalingan, itinataas ito ng ating Kabanal-banalang Kaibigan at Punong Pari. Hindi tayo nag-iisa sa ating mga hinaing. Nagdarasal Siya kasama natin.