Daughters of Saint Paul

Marso 19, 2025 – Miyerkules, Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen

Ebanghelyo: Lucas 2,41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Hesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Hesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

Pagninilay:

Sa araw na ito ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni San Jose bilang butihing kabiyak ng puso o esposo ni Maria. Inaalala rin natin ang lahat ng ama ng tahanan. Ipinapakita ni San Jose ang mga katangian ng isang mabuting esposo at ama. Bagama’t tahimik ang Ebanghelyo tungkol kay San Jose sapagkat hindi siya naisulat na nagsalita, mababakas naman ang kabutihan ng kanyang puso sa kanyang paggawa.

Kahit na kakaunti ang kanyang sinabi, o halos wala, inilalarawan si San Jose bilang isang taong matuwid o just and righteous man. Matapat siya, hindi lamang sa pagsunod sa mga tuntunin o batas ng kanyang pananampalataya, gayundin naman sa ganap na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bagama’t hindi niya ganap na nauunawaan at sa panaginip niya lamang ito nabanaagan, tumalima pa rin siya sa sinabi ng Anghel. Mababakas din ang kanyang pag-ibig sa Mahal na Ina sapagkat ayaw niya itong mapahiya o masaktan. Itinaguyod niya ang kanyang pamilya at napalaki ang batang si Hesus nang maayos.   Kapanalig, tularan natin si San Jose, hindi man masalita, hitik naman sa mabubuting gawa. Upang maging huwarang ama at asawa, mahalin ang pamilya, maglingkod at itaguyod sila. Higit sa lahat, buksan ang isip at puso at ganap na sumunod sa kalooban ng Diyos. Kung magagawa natin ang mga bagay na ito, tulad ni San Jose, tiyak na magiging mabiyaya ang ating buhay-pamilya at kasisiyahan tayo ng Ama sa langit. San Jose, ipanalangin mo kami.