Ebanghelyo: LUCAS 13,1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta s’ya upang maghanap ng mga bunga subalit wala s’yang nakita. Kaya sinabi n’ya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo ‘yan at pampasikip lamang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na s’ya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga s’ya, ngunit kung hindi’y saka mo s’ya putulin.’”
Pagninilay:
Minsan, dinala ako ng aking kaibigan sa kanyang farm. Laking gulat ko nang makita ko ang napakaraming puno ng dwarf papaya. Hitik na hitik ito sa napakalalaking bunga na halos sumayad na sa lupa. Sobra ang tuwa ko at hindi ako makapaniwala na ang maliit na puno ay kaya palang magbunga ng napakarami.
Sa Mabuting Balita ngayon, ikinuwento ni Jesus ang talinghaga ng puno ng igos. Sa loob ng tatlong taon na pumaparoon at tinitingala ng may-ari ng lupa ang punong ito, wala syang nakikitang bunga. Kahit si Kristo, ay naghahanap rin ng bunga sa ating buhay pananampalataya. Papaano nga ba ito? Malinaw na sinabi ni San Pablo sa mga taga-Galatia, ang mga bunga ng Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, pagtitiis, kabutihan, katapatan, at kahina-hunan. Binibigyan tayo ng Diyos ng panahon, lakas at mga talento upang gamitin natin ang mga bunga ng Espiritu Santo para sa ikabubuti ng ating kapwa. Ang hindi pagtalima sa paanyaya ng ating Panginoon na maging mabunga ay isang kasalanan na dapat nating pagsisihan.
Ngayong panahon ng Kwaresma, taos-puso tayong magsisi at magbagong-loob na may matibay na pag-asa sa kabutihan, pagmamahal at habag ng ating mahal ng Diyos. Kapanalig, ano ang bungang hinihingi sa iyo ng Panginoon ngayon?
Manalangin tayo: Panginoon, nawa’y maging mabunga ang buhay ko na nagpapakita ng iyong kabutihan, awa at pagkalinga sa aking kapwa. Amen.