Daughters of Saint Paul

Marso 4, 2025 – Martes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Casimiro

Ebanghelyo:  MARCOS 10,28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa iyo.” Sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit n’ya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

Pagninilay:

God can never be outdone in generosity. Ito ang katotohanang maraming beses ko nang napatunayan. Totoong kapag nagbigay tayo para sa Diyos o sa ating kapwang nangangailangan, siksik, liglig at umaapaw ang balik nito sa atin kapag ibinigay natin nang may galak at taos sa ating puso. Naalala ko ang scholarship for a Master’s Degree sa University of Asia and the Pacific na tinalikdan ko nang pumasok ako sa kumbento. That was a one-year study leave with pay. Tinalikdan ko ang isang oportunidad na makapag-aral nang libre para sumunod kay Jesus. Hindi ko sukat akalain na pagpasok ko sa kumbento, hindi lang pala master’s degree ang aaralin ko, hanggang doctorate pala. Nang sabihan ako ng aking superior na mag-enroll sa doctorate degree ng komunikasyon, sinabi ko sa Diyos na tinalikuran ko na ang pangarap na magpakadalubhasa nang sumunod ako sa kanya. Bakit ibinabalik nya? Pero ganoon talaga si Lord. Hindi magpapatalo pagdating sa pagbibigay. Recently naman, nag-book mission kami sa isang parokya. May isang mamang nagtitinda ng shamrock (yung Otap) ang lumapit sa akin at nakikiusap na bilhan ko siya dahil tanghali na raw wala pa syang benta. May sakit kasi ang parish priest kaya hindi bumaba. Siya pa naman daw ang namamakyaw ng kanyang paninda. Dahil wala akong personal na pera ay nanghiram muna ako sa kasama ko upang mabentahan ang mama. Bumili ako ng dalawang balot. Pagkaalis ng mama, may isang sasakyang tumigil sa harapan naming at nag-abot sa akin ng isang libong piso. Mangiyak-ngiyak akong bumulong sa Diyos ng ganito, “Lord mahigit isang daan lang po ang utang ko. Ang laki naman nitong ibinigay mong pambayad. Kapanalig, dalawa lamang ‘yan sa napakaraming karanasan ko na nagpapatunay sa sinabi ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon; na walang sinuman na tinalikuran ang maraming bagay sa mundo upang sumunod sa kanyang kalooban ang hindi tatanggap ng biyaya at gantimpala mula sa Diyos. Subalit hindi ito nanganga-hulugan ng kaligtasan sa paghihirap at pag-uusig ng mundo. Ang tanging pangako ni Jesus ay isang tiyak na lugar sa Kaharian ng Ama at buhay na walang hanggan.