Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 15, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Jn 16:20-23

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao! “Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n’yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.”

Pagninilay:

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay nagbibigay sa atin ng napakalaking pag-asa sa gitna ng paghihirap at lungkot. For sure, marami sa atin ang makaka-relate sa sinasabi ng ating Panginoong Hesus. Sa panahon ngayon, ang buong mundo, lalo na ang ating bansa ay dumadaang muli sa pagsubok. Malaki ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan sa ating ekonomiya at sa ating pang araw araw na buhay. Hindi na maabot ng kinikita ng ordinaryong manggagawa at ng mga drivers ng PUV ang kailangan ng pamilya sa maghapon. Kung kulang na sa pagkain, paano pa kaya kung kailangan ng gamot sa araw-araw, kung may magkasakit, at napakarami pang pangangailangan. Kaya nga sa kalagayan natin ngayon, dinadalaw tayo ng lungkot, pangamba, hirap ng loob. Buti na lamang po at ipinagdiriwang natin ang muling pagkabuhay ni Hesus. Ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa na ang Diyos ay buhay. Ang ating Panginoong Hesus ang nagsabi na ang ating pagtangis at kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan. Siya ay nagdanas ng matinding paghihirap at pagkamatay sa krus, ngunit siya ay muling nabuhay na nagbigay ng galak sa mga nananalig sa kanya. Ngayong siya ay buhay na nasa gitna natin, ang Espiritu niya ay nasa atin. Kasama natin siya. Sa paghihirap natin ngayon, binibigyan niya tayo ng pag-asa na ang lahat ay matatapos din. Na kung kasama natin siya, makakaya natin ang mga pagsubok na ito. Na hindi sa material na bagay naka sentro ang ating buhay kundi sa presensya ng Diyos sa gitna natin, sa ating puso at isip. Siya ang nagbibigay ng biyaya, lakas at pag-asa.

O Panginoong Hesus na nabuhay na mag-uli, dumudulog po kami sa inyo, sa gitna ng aming paghihirap, pagtitiis, at dalamhati. Sa aming panghihina at lumalabong pag-asa, bigyan ninyo kami ng lakas at liwanag. Bigyan n’yo po kami ng lakas ng loob at biyayang magtiwala sa inyo sa kabila ng dilim na aming hinaharap. Nananalig po kami na sa panahong ito ng pagsubok, ay sisilang ang mas malalim na pananampalataya, matatag na puso at magandang kinabukasan. Katulad po ni San Isidro, lumalim po sana ang aming relasyon sa inyo. Amen.

  • Sr. Yolanda Dionisio, fsp l Daughters of  St. Paul