Ebanghelyo: Juan 14:6-14
Sinabi ni Hesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata’t matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”
Pagninilay:
Alam naman natin na ang saligan ng anumang pakikipagrelasyon ay nakabatay sa oras at pagmamahalang iginugol upang buuin ito. Tulad ng alak na sumasarap sa pagdaan ng panahon, mas tumitingkad ang buhay mag-asawa, mas lumalakas ang kapatiran, at mas tumatatag ang pagkakaibigan sa palagiang pananatili kasama ang isa’t isa. Sa katunayan, habang tumatagal ang relasyon, kapansin-pansin na tila ang nagmama-halan ay nagiging magkamukha, na nagpapatunay sa kasabihang we resemble whom we love.
Sa tanong ni Tomas kung paano makararating sa Ama, sinabi ni Hesus na Siya mismo ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Hindi rin nagpatalo si Felipe: “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama”, na tila ba’y magkaiba si Hesus at ang Ama. Nilinaw naman agad na ang pagmamahalan nila ng Ama ay ganoon na lamang katalik at ka-close na sila’y halos magkaisa’t magkamukha na. Wala namang ibang nais ang umiibig kundi manatili sa piling ng iniibig. Kaya naman ang tanong ni Hesus kay Felipe ang siyang tanong din Niya sa atin ngayon: “Matagal mo na akong kasama at hindi mo pa rin ako nakikilala?” Mga kapanalig, kung paano natin pinagtutuunan ng pansin ang pakikipag-relasyon sa ibang tao, nawa’y papag-igtingin natin lalo ang ating pakikipagkaibigan kay Hesus hanggang sa maging kamukha na natin Siya bilang Kanyang mga tagasunod. Ngayong panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, muli tayong bumalik at manatili sa piling ni Hesus na una’t laging umiibig sa atin.