Daughters of Saint Paul

Nobyembre 1, 2024 – Biyernes | Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal

Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal

Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.

Pagninilay:

May nakausap ka na bang santo nang harap-harapan? Isa sa mga biyayang natanggap ko ay ang makadaupang-palad si Pope John Paul II. Pinaghandaan ko po yoon. Minemorize ko pa ang sasabihin ko sa Italyano. Pero noong kaharap ko na siya, naumid ang dila ko, at nakalimutan lahat ang gusto kong sabihin. Namangha po ako at parang nabalot ako ng kakaibang aura sa harap niya. Habang pinapakilala ako sa kanya na Pilipina, narinig ko na lang siyang nagsabi na: Oh, Philippines! I love the Philippines and the Filipinos.

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng lahat ng mga santo. Hindi lang yung mga canonized saints katulad ni St. Pope John Paul II, kundi ang lahat ng mga taong nabuhay at namatay nang may kabanalan. Tinuturuan nila tayo na hindi madali ang maging banal. Hindi nasusukat ang kabanalan sa dami ng kanilang nagawa o lalim ng kanilang pag-unawa. Sa halip, ang kabanalan ay habambuhay na pagsusumikap, sa pamamagitan ng maliliit na hakbang, na lumago: sa pananampalataya, pag-asa at pagmamahal. Ang mga Santo ang tunay na mapapalad na tinutukoy sa Mabuting Balita ngayon. Sila ang mga saksi sa pagkalinga at pagmamahal ng Diyos sa lahat. Manalangin tayo sa kanila, kapanalig, upang tulungan nila tayong sumunod sa kanilang mga yapak. Idalangin din natin na makasama nila sa pagdiriwang at kagalakan sa langit ang lahat ng ating mga minamahal na pumanaw. Amen.