Ebanghelyo: Lucas 17:20-25
Tinanong si Hesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
Pagninilay:
Kapatid, naghahanap ka ba minsan ng malalaking signs? ‘Yung tipong lightning bolt from heaven para masabi mong, “Ayun! ‘Yan ang gusto ng Diyos para sa ‘kin.”
Naalala ko ang buhay ni St. Frances Xavier Cabrini nang mabasa ko ang Mabuting Balita ngayon. Sobrang connected! Tinanong ng mga Pariseo kay Jesus kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Ang sagot niya? “Hindi ito darating na may mga palatandaan na mapagmamasdan… sapagkat nasa inyo na ang kaharian ng Diyos.” Ha? Parang ang sabi, huwag kang maghintay ng epic background music. Nandito na. Ngayon na. Nasa puso mo na.
Alam n’yo ba na ang dream ni Mother Cabrini ay maging missionary sa China? Pero sinabihan siya mismo ng Santo Papa, “Hindi. Pumunta ka sa America. Doon ka kailangan.” Imagine ‘yung disappointment niya? Wala siyang nakitang malaking sign o angel. Narinig lang niya ang payak na utos, at sinunod niya ito. At sa pagsunod na ‘yun, naipakita niya kung nasaan ang kaharian ng Diyos – sa mga simpleng gawa ng pagmamahal. Iniwan niya ang lahat, tumawid ng karagatan, at nag-alaga ng mga mahihirap at mga imigrante. Wala siyang superpowers. Pero ‘yung pananampalataya niya, ‘yung pagsunod niya, ‘yun ang naging “palatandaan” ng kaharian ng Diyos. At nakapagtayo siya ng mga ospital, mga paaralan, mga tahanan – lahat ‘yun ang ebidensya na kapag nagmahal ka, doon namamalagi ang Diyos. Kaya mga kapatid, huwag nating hintayin yung perfect moment o yung unmistakable signs. Minsan, ang kaharian ng Diyos, nagsisimula sa isang maliit na hakbang. Sa pagtulong sa katabi, sa pagiging tapat sa trabaho, o sa pagdarasal para sa kaibigan. Gaya ni Mother Cabrini, magtiwala tayo na kahit sa mga simpleng bagay, ang Diyos ay gumagawa at gumagalaw. Nandito na Siya. Ngayon na.
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul