Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 16, 2025 – Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 21:5-19

May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Hesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito? Paano namin malalaman?” Sumagot si Hesus: “ Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.” “Pero bago sumapit ang lahat ng ito, dadakipin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay.  Bago humantong sa wakas ang sandaigdigan, totoong dadanas ang sanlibutan ng ibayong hapis at mga pagdurusa, ayon kay Jesus, ngunit hindi karaka-rakang susunod ang wakas. Kaya’t mahigpit niyang bilin na huwag magpalinlang sa mga magpa-panggap na Mesiyas na manghuhula sa wakas ng daigdig. Nais ilarawan ni Jesus na ang wakas ay hindi isang pangyayaring nakakapang hilakbot o puno ng takot. Ang wakas ay daan tungo sa pagsisimula ng bagong buhay para sa sanlibutan. Katulad nito ang mga hirap at sakit na dinaranas ng isang nagluluwal ng sanggol. Isang bagong nilalang ang isisilang at magdudulot siya ng ligayang walang katulad. Kaya nga kailangang harapin natin ang pagwawakas ng buhay sa lupa na punong-puno ng tiwala sa Diyos; pag-asa at pananalig na matutupad ang magandang plano at adhikain ng Diyos para sa lahat ng mga nanampalataya sa kanya. Magwawakas ang daigdig na nababalot sa kasalanan, pagdurusa, kawalang-katarungan at galit. Mapapalitan ito ng buhay na habampanahong ligtas at payapa sa piling ng ating dakilang Lumikha.

  • Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul