Ebanghelyo: Lucas 18:35-43
Nang malapit na si Hesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Hesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Hesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Hesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Hesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Hesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Sa Mabuting Balita, isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan ang sumigaw: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!” Larawan ng ating karanasan ang tagpong ito. Marami sa atin ang nakakakita ang mata ngunit bulag ang puso: bulag sa pangangailangan ng kapwa, bulag sa katarungan, bulag sa tunay na halaga ng buhay. Minsan bulag tayo dahil abala sa trabaho, ambisyon, o sariling interes. Ngunit gaya ng bulag sa Ebanghelyo, maaari tayong sumigaw: “Panginoon, maawa ka sa akin!” At hindi kailanman tayo bibiguin ng Diyos.
Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ni Santa Isabel ng Unggaria. Isang prinsesa, asawa, at ina, ngunit higit sa lahat, may taimtim at puspos na pananam-palataya. Sa kabila ng rangya at karangalan, hindi siya naging bulag sa paghihirap ng mga dukha. Ginugol niya ang kanyang buhay sa paglilingkod: pagpapakain sa nagugutom, pag-aalaga sa maysakit, at pagtulong sa mga ulila. Para kay Santa Isabel, ang pagkilala kay Cristo sa mga mahihirap ang siyang tunay na kayamanan.
Mga kapatid, hilingin natin kay Jesus na hilumin ang pagkabulag ng ating puso upang makita natin ang ating pamilya nang may malasakit, ang ating trabaho nang may katapatan, at ang ating kapwa nang may habag. Nakikita ang pananampalataya hindi lang sa panalangin kundi sa pagkilos at paggawa ng mabuti, tulad ng ginawa ni Santa Isabel.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St