Ebanghelyo: Lucas 19:11-28
Malapit na si Hesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Hesus. Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: ‘Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik. Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’ Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: ‘Panginooon, tumubo pa ng sampu pa ang barya mong ginto “Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ Dumating ang ika-lawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’ Sinabi nito sa kanya: ‘Mamamahala ka sa limang lunsod. Dumating ang isa pa at sinabi: ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sayo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang hindi mo idineposito at inaani ang hinidi mo inihasik.’ “Sinabi sa kanya ng panginoon: ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubrako sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’ at sinabi niya sa mga naroon: ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’ Sumagot sila: ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’ Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. Ngunit dahin n’yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.’” Pagkasabi nito, umuna si Hesus sa kanila pa-Jerusalem.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Joy Ingrid Montes ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Panginoon ng talent. Pero minsan nakatuon ang ating paningin at panahon sa iba, sa mga bagay o talento na wala tayo. Napupuno tayo ng takot sa ating mga puso, at pangamba na baka magkamali at laitin tayo ng iba. Kaya itinatago natin ang mga kakayahan at biyayang ito. Minsan pinagpapaliban natin ang paggamit nito at sinasabi nating tsaka na lang. Sa Ebanghelyo ngayon, dumating ang amo at hinanap sa mga alipin ang mga binigay niya sa kanila. Ang binigyan ng marami ay sinuklian ng marami dahil ginamit at pinalago niya ito. Samantalang ‘yung binigyan ng isa ay tinago at natakot siyang gamitin ito. Gamitin natin ang mga ito nang tama at may pagpapahalaga.
Binibigyan tayo ng Panginoon ng panahon at pagkakataon na gamitin ang ating buhay at mga biyayang pinakaloob niya sa atin sa mabuting paraan at palaguin ito. Hindi lamang para sa ating sarili kundi ibahagi rin ito sa iba nang walang hininging kapalit – sa taos-pusong paglilingkod at pagmamahal sa ating kapwa. Nawa’y lagi tayong maging instrument at daluyan ng grasya at pagmamahal ng Panginoon.
- Sr. Joy Ingrid Montes, fsp l Daughters of St. Paul