Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 20, 2025 – Huwebes, San Felix | Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 19:41-44

Nang malapit na siya at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Hesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Gemma Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Seen ka nga, pero di nagreplySeen ka niya, pero walang reaksyon. Sa panahon ngayon, isang pindot lang ang kailangan para makita ng mundo. Isang swipe, isang like, isang comment, parang konektado ang lahat. Pero sa likod ng mga screen, may mga pusong hindi napapansin. May mga mensaheng “seen” pero hindi sinagot. May mga kwentong “posted” pero ignored lang. May mga damdaming “shared” pero hindi ni-like, hindi appreciated. Sa halip na harapin o makipag-usap, inaalis sa eksena. Winawala ang presensya.

Noon pa man, na-agrabyado na rin pala ng ignore culture ang ating Hesus Maestro. Sa pagtangis Niya noon sa Jerusalem, hanggang ngayon ramdam nila. Base sa Rappler News, sa pagtaas ng tensyon sa rehiyon ng Israel at mga militanteng grupo sa Gaza, bagamat hindi sentro ang Jerusalem, malaki ang kanilang takot, hindi panatag ang loob, hati ang kanilang lipunan. Iba pa ang humanitarian crisis sa East Jerusalem tulad ng malnutrisyon dahil sa kawalan ng access sa pagkain at gamot. Nagaganap hanggang ngayon ang nakinita ng ating Hesus Maestro. Nangyari dahil hindi sila nakinig at hindi nagbagong-buhay. Kaya huwag tayong maging snob sa call ng ating Hesus Maestro na magbago. Kabataan, gising! Mga pamilya, magkaisa sa pagbabago! Lipunan, magpakumbaba at magbalik-loob! Huwag nating palampasin sa kabilang tenga ang narinig natin sa Kanya. Kung nareceive mo ang message ng ating Hesus Maestro para magbagong-loob, magreply. Magrespond. Huwag nating sayangin. Baka balang araw, tayo ang masayang.

  • Sr. Gemma Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul