Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 21, 2025 – Biyernes, Paggunita sa Pagdadala sa Mahal na Birheng Maria sa Templo

Ebanghelyo: Lucas 19:45-48

Pumasok si Hesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi niya: “Nasusulat, ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Hesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. Mat De Guzman ng Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc ang pagninilay. Isa sa mga paborito nating mga Pinoy ang handaan. Pero syempre andoon din ang ating pag-iingat lalo na kung mayroon na tayong maintenance. At ‘pag sinabi natin na maintenance, hindi lamang ito patungkol sa ating katawan. Maaari rin natin itong i-apply sa ating ispiritual na kalusugan. Kailangan kasi nating mamaintain, para manatiling balanse, tama, at gumagalaw nang maayos ang lahat sa atin. Sa Ebanghelyo ngayon, sinasalaysay ang ginawang Paglilinis ng ating Panginoong Hesus sa Templo. Nararapat lamang na ang ating bahay-dalanganin ay maayos at malinis. Gayunpaman, ipinapaunawa rin sa atin ni Hesus na bilang mga disipulo niya, masasabing tayo rin ay templo – templo na kinalulugdan ng Diyos, templo ng Espiritu Santo. Malinis ba ang ating mga puso? Kinalulugdan ba ng Diyos ang ating templo? Dalawang bagay ang nais nating bigyan ng pansin. Una, kumain ng tama. Ano mang pagkaing kinakain natin ay makikita sa ating katawan. Kung panay lechon at matatabang pagkain, paniguradong tataba ka at tataas ang cholesterol mo na mauuwi sa high blood. Kung mahilig ka naman sa tsokolate at matatamis, maaaring magkaroon ka ng diabetes. Kaya, kumain tayo nang tama. Kung mabuti ang ginagawa natin sa kapwa at pinagsusumikapan natin umiwas sa kasalanan, hindi tayo magkakamali. Pero, kumakain ba tayo ng Tinapay ng Buhay?

Ikalawa, bukod sa pagkain ng tama, mahalaga rin na kumain tayo nang sapat. Nakakalungkot ang negatibong epekto ng unlimited. Dahil nandyan ang unlimited rice, unlimited data, unlimited load, etc. Hindi na natin masyadong nabibigyan pansin kung alin ang sapat na at sakto lang para sa atin. Patuloy, palagi, at walang katapusan ang ating paghahangad. Kumain po tayo ng sapat lang sapagkat ano mang bagay na labis o kulang ay makapagdadala sa atin sa kapahamakan. Ang pagkain nang sapat ay palatandaan na nagiging mabuting katiwala tayo. Kaya kapatid, dalawa ang hamon sa atin ng Ebanghelyo ngayong araw. Para maging malinis at maayos ang templo ng ating mga puso. Kumain tayo ng tama at kumain din tayo ng sapat.

  • Fr. Mat De Guzman ng Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc