Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 23, 2025 – Linggo, Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) | Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 23:35-43

Naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman si Hesus ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.” Pinagtatawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Hindi ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati na rin kami.” Pero pinagsabihan siya ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi niyakay Jesus: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” At sumagot naman si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: makakasama kita sa Paraiso, sa araw ding ito.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Sino ang naghahari sa puso mo ngayon? Si Hesus ba? Bilang Diyos, nararapat lamang na si Hesus ang siyang maghari sa ating mga puso, ang Hari ng ating buhay. Nakakalungkot kung galit, inggit, at kasakiman ang naghahari sa ating puso. Kadalasan, nag-uugat ito sa hindi magandang karanasan noong pagkabata, lalung-lalo na ang ma-reject. Ngunit ipinapaalala sa atin ng kapistahan ng Kristong Hari na maging si Hesus ay nakaranas ng rejection. Narinig natin sa Ebanghelyo kung paano Siya pinagtawanan ng mga pinuno, ininsulto ng mga sundalo, at kinutya ng mga taong tinulungan Niya mismo. Subalit habang nakabayubay siya sa krus, si Kristo na Diyos at Hari ay nanatiling tahimik at payapa. Ang Kanyang dangal ay hindi nasira; higit ito sa anumang uri ng insulto ng tao. Sa madaling sabi, hindi kailanma’y pinayagan ni Hesus na maghari sa Kanyang puso ang galit o ano mang uri ng kasamaan. Ito ang tanda ng tunay na hari: hindi kapangyarihan kundi kapatawaran.  Kaya’t sa oras na makararanas tayo ng rejection, pangungutya at pang-iinsulto, pagsumikapan natin na manatiling kalmado. Manalangin pa lalo. Habang nananalangin, alalahanin ang krus. Si Hesus, ang Diyos at Hari, ay nakabayubay doon. Nawa ang krus ang maging inspirasyon at lakas natin upang maghari ang Panginoong Hesukristo sa ating mga puso.

  • Fr. JK Maleficiar, ssp l Society of St. Paul