Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 24, 2025 – Lunes | Paggunita kay San Andres Dung Lac at mga kasamang martir

Ebanghelyo: Lucas 21:1-4

Tumingin si Hesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila subalit inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”

Pagninilay:

Nakita ni Jesus ang mayayaman na naghuhulog ng kanilang handog sa kabang-yaman ng templo. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naglagay ng dalawang kusing. Pinuri ni Jesus ang biyuda dahil sa kanyang kasalatan inialay niya ang buo niyang kabuhayan. Alam na natin ang kwentong ito, di ba? Pero noong pinagninilayan ko ang ebanghelyong ito, na-curious ako kung ano ba yung kabang-yaman o treasury sa templo. Sabi ng mga dalubhasa, ito raw ay tinatawag na chamber of secrets. Naku, hindi po chamber of secrets ni Harry Potter. Mababasa po natin ang tungkol dito sa libro ni prepeta Nehemias chapter 10:48-50. Dito pala inilalagay ang alay mula sa unang ani, pero hindi hayagan ito – pa-sikreto. Dahil mula dito rin tumatanggap ang mga mahihirap ng tulong para sila makaraos sa buhay, nang pa-sikreto din po. Kaya, para itong community pantry na kumukolekta at nagdi-distribute pero in secret. Ang ganda, hindi ba? May kababaang-loob at pananalig sa Diyos ang nag-aalay dahil sikreto ito, at ganundin ang tumatanggap mula rito.

Naalala ko tuloy ang kwento ng mga tumulong sa mga kapatid nating nasalanta ng napakalakas ng lindol sa Cebu. Marami ang namatay, nagiba ang bahay, nasira ang mga ari-arian at ikinabubuhay. At dahil tayo’y mga Pinoy, natural ang bayanihan. Agad-agad na dumating ang mga tumulong sa kanila. Pero alam n’yo ba kung ano ang ginawa ng mga nasalanta? Nagtimpla sila ng kape at naglaga ng saging na saba para makakain ang mga relief workers at ibang sumaklolo sa kanila. Walang-wala na sila, pero ibinahagi nila kung ano ang meron sila; nagsikap pa rin silang magmalasakit, magpasalamat at makipag-kapwa. Ito ang identity nating mga Pilipino – pakikipagkapwa at pagmamalasakit sa isa’t isa. Sabi nga ni Pope Leo IV sa Dilexi Te, “Charity has the power to change reality.” May kapangyarihan ang pag-ibig sa kapwa na baguhin ang realidad.Tulad ng pobreng biyudang nag-alay ng dalawang kusing, masarap at nakakabusog ang nilagang saba at kape dahil ito’y inialay nang may pag-ibig at pagmamalasakit.Kapatid, ano ang maiaalay mo sa Panginoon nang buong tiwala at pananalig? Ano ang maibabahagi mo nang may malasakit at pagmamahal sa araw na ito?

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul