Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 25, 2025 – Martes | Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay Santa Catalina ng Alejandria, dalaga at martir

Ebanghelyo: Lucas 21:5-11

May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Hesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” “Paano naming malalaman?” Sumagot si Hesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Bro. Russel ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. “Finished or not finished, pass your papers… One… Two… Three…” Iyan ang isa sa aking mga paboritong linyahan noong nagtuturo pa ako. Matapos ang oras na inilaan para sa takdang aralin, sa pagsusulit, o sa pangkatang gawain, kailangang ipasa ng mga mag-aaral ang kanilang gawa, tapos man ito o hindi, upang masuri, masulit, at markahan ng guro. Ang leksyon? Lahat ng gawain natin – maging ang pag-iral natin sa mundong ibabaw – ay may simula at may wakas. Ang tanong: handa ba tayong harapin ang ating hangganan sa panahong dumating na ito? 

Nakakatakot pag-usapan ang tungkol sa “wakas ng daigdig”, dahil kadalasan tayo ay naliligalig sa mga tandang kaakibat nito: digmaan, himagsikan, lindol, gutom, sakuna, mga salot at pandemya, at kamatayan. Ngunit kung malalim ang ating pakikipag-ugnayan at pakikipagkaibigan kay Hesus, tulad ni San Pablo, masasabi natin nang buong tapang na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.

Mga kapatid, nakakatakot ang wakas kung namumuhay tayong hindi handa para dito. Nakakatakot kung ang ating pakikipagtagpo kay Hesus sa kamatayan ay courtroom session at hindi reunion ng matalik na magkaibigan. Ika nga natin, “habang may buhay, may pag-asa.” Kaya naman habang tayo ay may panahon pa, ayusin natin ang pagdedesisyon sa araw-araw upang ang ating huling pakikipagtagpo kay Kristo Hesus ay isang pag-uwi sa piling ng ating Pinakamamahal na Kaibigan na tumutupad sa pangakong gantimpala para sa mga pinipiling maging tapat hanggang kamatayan. Amen.

  • Bro. Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul