Ebanghelyo: Lucas 21:12-19
Sinabi naman ni Hesus: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakpin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin. Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Binalaan ni Jesus ang Kanyang mga alagad na darating ang panahon ng pag-uusig. Ngunit pinapaalala ng Mabuting Balita ngayon: huwag matakot, sapagkat ang Diyos mismo ang magbibigay ng lakas at karunungan.
Ito rin ang ipinamalas ni Blessed James Alberione na ang kapistaha’y ipinagdiriwang natin sa araw na ito. Bilang isang batang seminarista, narinig niya ang tawag ng Diyos sa panalangin: na gamitin ang mga modernong pamamaraan upang ipalaganap ang Ebanghelyo. Sa kabila ng maraming pagsubok, kahirapan, at hindi pagkaunawa ng ilan, hindi siya sumuko. Itinaya niya ang lahat upang maitatag ang Pamilya Paulina o Pauline Family na may layuning dalhin si Kristo, ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay, sa puso ng bawat isa, sa lahat ng dako. Gamit ang lahat ng paraan: pamamahayag, radyo, teknolohiya, makabagong midya ng komunikasyon, at mismong paraan ng pamumuhay.
Isinabuhay ni Blessed James Alberione ang paanyaya ng Mabuting Balita-magpakatatag sa gitna ng pagsubok at manalig sa Diyos na nagbibigay ng karunungan.
Mga kapatid, bawat isa sa atin ay tinatawag sa katapatan: mga magulang na nagsisikap para sa pamilya; mga kabataang nakikipagbuno sa tukso ng social media; mga manggagawang dumaranas ng hirap at pang-aapi; mga lingkod-bayan na tumatanggi sa suhol. Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Sa inyong pagtitiyaga, tatamuhin ninyo ang buhay.” Wala sa kaginhawaan o kasikatan ang tunay na tagumpay, kundi sa katapatan hanggang wakas.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul