Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita n’yong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin n’yong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng pahihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.
Pagninilay:
Isinulat po ni Rev. Ronel Delos Reyes ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. “Nakakaramdam pa ba tayo ng takot?”
Natural lang matakot. Kapag may problema, pagkawala, o pagbabago, madalas ay nanginginig ang puso natin sa takot—takot sa bukas, takot sa kawalan, takot na baka hindi kayanin. Pero sa Ebanghelyo ngayon, habang inihahanda ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa mga darating na unos at kaguluhan, malinaw ang Kanyang mensahe: “Huwag kayong matakot.”
Hindi Niya sinabing hindi tayo dapat makaramdam ng takot, kundi huwag nating hayaang ang takot ang mamuno sa atin. Ang takot ay totoo, pero mas totoo ang presensiya ng Diyos. Sa gitna ng pagkawasak at kaguluhan, sabi ni Jesus: “Ituon ninyo ang inyong paningin sa langit.” Ibig sabihin, kapag tila nawawala ang lahat ng ating pinanghahawakan mas lalo tayong tumingin sa Kanya—ang ating pag-asa.
Si San Valeriano ay isang paalala ng ganitong uri ng pananampalataya. Pinili niyang magtiwala. Hindi dahil madali, kundi dahil alam niyang may higit na katotohanan kaysa sa takot—ang katotohanang kasama niya ang Diyos.
Tayong lahat ay dumaraan sa mga sandaling tila wala nang kasiguraduhan. Ngunit ang mga salita ni Jesus ay patuloy na totoo: “Huwag kayong matakot.” Dahil sa bawat dilim, Siya ang liwanag; sa bawat pagkabahala, Siya ang kapayapaan; sa bawat takot, Siya ang kaligtasan.
Kaya Panginoon, sa mga sandaling puno ng takot ang aming puso, ipaalala Mo sa amin na Ikaw ang aming sandigan. Tulungan Mo kaming magtiwala gaya ni San Valeriano—na sa gitna ng unos, ay manatiling payapa dahil alam naming kasama Ka. Amen.
- Rev. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul