Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng pahihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagninilay:
Matindi ang mga naunang bahagi ng Mabuting Balita ngayon. Hindi ko mawari ang naramdaman ko habang binabasa ko ito. Ngunit laking ginhawa naman nung makarating na ako sa pinakahuling pangungusap, “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Minsan, sa isang homily, nagtanong si Father, “Sino sa inyo ang gustong makarating sa langit?” Ang daming nagtaas ng kamay. Nagtanong siyang muli: “Sino ang gustong pumunta doon ngayon na?” Nanahimik lahat.
Sigurado akong lahat tayo ay gustong makapiling ang Panginoon sa Kanyang Kaharian. Pero may takot at pangamba sa ating puso. Maraming nagtatanong sa amin kung kelan magugunaw ang mundo. May nababalitaan din tayong mga grupo na umaakyat sa bundok dahil nalalapit na raw ang katapusan ng mundo. Marami ang nababahala at nagtatanong, “Kelan nga ba?”
Paano ba tayo dapat maghanda? Hindi nagkukulang ang Panginoon. Lahat ng biyaya ipinagkakaloob Niya upang tayo’y magpakabuti, manalig, at isabuhay ang Kanyang kalooban. Paano natin tinatanggap at ginagamit ang lahat ng mga biyayang ito? Saan kaya tayo dadalhin ng ating mga pagpapakapagod, sakripisyo at mga prioridad sa buhay?
Kapanalig, ngayon na! Magpapakabuti. Isabuhay ang kalooban ng Diyos. Manalig. Kapanalig, ano naman ang saysay ng ating mga pagpupunyagi dito sa mundo kung sa katapusa’y hindi naman tayo mapapabilang sa Kaharian ng Diyos? Hindi pa huli ang lahat. Huwag nating sayangin ang nalalabing panahon ng ating buhay.