Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 28, 2025 – Biyernes | Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Santa Catalina Laboure

Ebanghelyo: Lucas 21:29-33

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan n’yo ang punong-igos at ang ibang mga puno. Pagkakita n’yong nagdadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Gayundin naman, pag napasin n’yo ang mga ito, alamin n’yong malapit na ang paghahari ng Diyos. Talagang sinasabi KO SA inyo Na hindi lilipas ang salinlahing ito at mangyayari ang lahat ng ito. Lilipas ang langit at lupa ngunit hindi lilipas ang aking salita.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Naalala ko ang lola ko sa ating Mabuting Balita ngayon. Minsan natanaw namin mula sa bintana ang pusa na naghihilamos ng kanyang mukha. Sabi ng lola ko, “Sino kayang matagal nang hindi nakakapunta rito sa atin ang darating?” Siempre nagulat ako kasi hindi ko makita ang connect ng paghilamos ng pusa sa parating niyang bisita. Pero ‘yung pagpasok ng mga insekto sa bahay bago umulan, naniniwala ako roon kasi maraming beses ko nang napatunayan na totoo. Marami pang amazing wisdom ang lola ko, ang iba nga lang ay mga pamahiin na. Pero nakakamangha na sa kakulangan noon ng teknolohiya ay natutunan nilang maging mapanuri at mapagmatyag sa pagbabago ng panahon, klima, at maging galaw ng ibang nilikha sa kapaligiran. Kapatid,sa pagtatapos ng Liturgical calendar ng ating simbahan, dahil sa Linggo ay Advent Season na, marami tayong naririnig na pagbasa tungkol sa end times. Nakakatakot, nakaka-pangamba lalo na ang muling pagbabalik ng Panginoon bilang hukom ng langit at lupa. Subalit para sa ating nanampalataya kay Jesus, hindi takot kundi excitement ang dapat nating maramdaman. Tapat si Jesus at tutuparin niya ang kanyang pangako. Sinabi nya na uuwi siya sa Ama upang ipaghanda tayo ng matutuluyan. Ang kanyang pagbabalik ay isang katuparan na dapat nating ipagbunyi. Sabi nya sa verse 33, “Ang langit at lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay ‘di lilipas”. Kapatid, hindi naglalayon na takutin tayo ng mga pagbasa tungkol sa end times, kaya hindi tayo dapat magimbal at mawalan ng pag-asa. Paalala ito sa atin na habang nabubuhay pa tayo ay ayusin na natin ang ating sarili, magsisisi at magbalik-loob sa Diyos.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul