Ebanghelyo: Lucas 21:34-36
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay. Ngayon ang huling araw sa Karaniwang Panahon sa Simbahan. Bukas ay Unang Linggo na ng Adbiyento, isang bagong panahon ng pagdiriwang sa Simbahan. Sadyang ganito ang katotohanan sa ating buhay. Habang may nagwawakas, nagiging daan naman ito sa isang bagong simula. Ngunit ang pagwawakas ng Karaniwang Panahon ay hindi lamang paglakad ng panahon sabay sa pag-ikot ng mga kamay sa orasan. Sa pagwawakas ng Karaniwang Panahon, nililingon natin ang ginawa nating mga pagninilay sa iba’t ibang mga gawain ni Jesus. Kasama dito ang kanyang pangangaral, mga himala, mga pagpapagaling sa mga may sakit at yaong inalihan ng masasamang Espiritu. Sa pagninilay natin sa mga gawain ng Panginoon, tinutunton natin ang kahulugan ng mga ito at ang kaugnayan nito sa ating karanasan sa kasalukuyan.
Ang pagtatapos ng isang kabanata sa ating buhay ay maituturing nating panahon ng kaganapan. Kumbaga sa isang punung-kahoy, hitik na ang mga bunga at nakahanda na para pitasin. Magiging kapaki-pakinabang ang paghantong natin sa takdang panahon. Kaya’t nananalig tayo at umaasa na marami tayong napulot na mga aral sa Karaniwang Panahon na patuloy na magbibigay kahulugan at saysay sa ating paglalakbay sa buhay.
Binabalaan tayo ni Jesus na huwag maging kampante o manghinawa sa pagdating ng araw ng Panginoon. Nagsalita siya laban sa pagkagumon sa pagkain at alak. Tinuturuan din niya tayong huwag mabahala sa mga intindihin sa buhay na ito. Sa bahagi ng isang ebanghelyo, binanggit ni Jesus kung paanong ang mga ibon sa kalawakan at mga bulaklak sa kaparangan ay nananatiling buhay dahil sa pag-iingat ng Diyos. Higit pa nga naman tayong mga tao kumpara sa mga ibon at bulaklak.
Mapanganib ang pagkagumon sa katakawan at paglalasing sapagkat maaari tayong makalimot sa katotohanang makalangit. Pati ang labis nating pag-aalala sa mga intindihin sa buhay ay magiging hadlang para asamin natin ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Kapag sadlak tayo sa kadiliman, mahihirapan tayong tanggapin ang kaningningan ng buhay sa piling ng Panginoon.
Panginoon, marami pong salamat sa bawat araw na nakapagnilay kami sa iyong mga turo at gawa. Buksan po nawa naming ang aming kalooban upang ang magaganda mong aral ay maging mabunga at maging bahagi ng buhay namin. Amen.
- Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul