Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 30, 2024 – Sabado | Kapistahan ni Apostol San Andres

Ebanghelyo:  Mateo 4:18-22

Sa paglalakad ni Hesus sa pampang ng lawa ng Galilia, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.

Pagninilay:

Agad-agad! Ganito tumugon sina Pedro, Andres, Santiago at Juan sa paanyaya ni Hesus na sumunod sa kanya. Hindi sila tumigil at nag-iisip ng, “Paano ang aking pamilya, ang aking lambat, ang aking kinabukasan?” Hindi pa nila lubos na kilala si Hesus noon. Hindi pa nila narinig lahat ng kanyang pangangaral, ni nasaksihan ang mga himalang ginawa niya. Ngunit nagtiwala sila at sumunod sila sa kanya. Buong buhay silang naging tapat, maliban sa isang maikling sandali, sa panahon ng pagdurusa ni Hesus, nang dinaig sila ng takot. Ngunit bumalik sila sa Kanya at naging tapat hanggang sa mag-alay sila ng buhay bilang mga martir. Ang kanilang unang pag-OO ang nagbigay sa kanila ng biyayang magtiyaga at manatiling tapat hanggang sa wakas.

Araw-araw, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tinatawag tayo ni Hesus na gumawa ng kabutihan. Tulad ng pagbisita sa isang maysakit na kaibigan, paghingi ng tawad sa isang taong nasaktan mo, pagpapasalamat sa isang taong naglilingkod o tumutulong sa iyo, pagbabahagi kung ano ang meron ka sa mga mahihirap, at marami pang iba.

Tinawagan ako minsan ng isang kaibigang maysakit: “Dalawin mo naman ako.” Sumagot ako ng “Oo” ngunit palagi kong ipinagpaliban ito para bukas. Pagkatapos, pumanaw na siya nang hindi ko nadadalaw. I felt bad, and feel bad hanggang ngayon. Dahil ipinagpabukas ko ang pwede ko naman sanang nagawa kaagad.

Tinuturuan ako nina Pedro, Andres, Santiago at Juan sa Mabuting Balita ngayon. Kapag tumawag ang Diyos, kailangang tumugon, agad-agad! Huwag mo nang hintayin ang bukas, dahil baka hindi na dumating ang bukas. 

Sabi ng isang tula: “Hindi ang bagay na ginawa mo, kundi ang bagay na hindi mo nagawa; ang magbibigay ng kirot sa iyong puso, sa paglubog ng araw.”

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, bigyan mo kami ng lakas ng loob na tumugon nang agad-agad kapag ikaw ay tumawag. Amen.