Ebanghelyo: Mateo 24: 37- 44
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayon din sa pagdating ng anak ng tao. Nuong mga araw na yon, bago dumating ang baha, kumakain at umiinom ang mga tao at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. Ngunit wala silang alam hanggang dumating ang baha. At tinangay silang lahat. Ganun din sa pagdating ng anak ng tao. Sa dalawang lalaking nasa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang isa. Sa dalawang babaing gumigiling ng trigo, kukunin ang isa at iiiwan ang isa. Kaya magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon.” Isipin n’yo ito: “Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay s’ya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Rommel Felizardo ng Diocesan Shrine and Parish of St. Joseph sa Baras, Rizal ang ating pagninilay. Mga kapatid, ngayong araw ay simula ng Panahon ng Adbiyento. Simula rin ito ng bagong taon ng Pang-liturhiyang kalendario ng ating simbahan. Ipinapaalala sa ating pagdiriwang, ng mga simulang ito, na si Hesus ay dumating, darating at dumarating. Opo, tatlong panahon ang pagdating ng ating Panginoong Hesus. Ang unang panahon ay noong siya ay isinilang ng ating Inang Birheng Maria. Ikalawa ay ang muli Niyang pagbabalik sa wakas ng panahon. At ang ikatlo naman ay sa pagitan ng kanyang unang pagdating at sa pagdating Niya sa wakas ng panahon, siya ay palagi ring dumarating! Siya mismo ang nagsabi: “ako ay kasama ninyo hanggang sa wakas ng panahon.” Ibig sabihin, walang panahon na hindi dumarating si Hesus sa buhay nating mga tao! At dahil doon walang kwento ng buhay natin ang hindi natin siya kasama, dahil palagi Siyang dumarating. Nakakamangha, hindi po ba? At dahil palaging dumarating si Hesus, mahalaga na tayo ay naghihintay sa kanyang pagdating. Ang pag-aantay sa pagdating ni Hesus ay tugon ng isang taong nais patuluyin at makasama si Hesus sa kanyang buhay. Masaya ka ba na darating ni Hesus? O baka naman pinaghaharian ka ng takot dahil parating na Siya? Hala! Ang takot ay tanda na hindi ka handa sa pagdating Niya. But to fear is just one option. Pwede mong piliin na hindi ka matakot. At para mawala ang takot, baguhin mo ang iyong buhay, ayusin mo ang maraming gulo, at linisin mo ang dumi ng iyong puso. Sigurado akong daratnan ka ni Hesus na masayang naghihintay sa Kanya. Amen.
- Fr. Rommel Felizardo ng Diocesan Shrine and Parish of St. Joseph sa Baras, Rizal