Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Nobyembre 9, 2025 – Linggo, Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ng San Juan de Letran sa Roma

Ebanghelyo: Juan 2:13-22

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon para-Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Mat de Guzman ng Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc ang pagninilay. Matatag na buhay mga ! Pinagdiriwang natin ang Pagtatalaga sa Basilica ni San Juan de Letran sa Roma. Nakakatuwang isipin na kaugnay nito ang tema ng Ebanghelyo ngayong araw – na patungkol sa templo. Bahay-dalanginan kung ating tatawagin o simbahan. Kapag pumapasok tayo sa simbahan, mayroon pong kakaibang pakiramdam na parang bumubulong at nananawagan sa atin na tumahimik at manalangin. Andoon palagi ‘yung pagpapakumbaba at paanyaya ng Diyos na “pagsumikapan nating maging banalIto rin ang paanyaya ni Hesus ngayong araw. Pangalagaan po natin ang templo. Irespeto at huwag nating dumihan. Templo na tahanan ng ating Panginoong Diyos. Templo na tumutukoy sa Katawan ni Kristo na muling mabubuhay sa ikatlong araw. At templo na kumakatawan sa ating mga puso kung saan nananahan ang Espiritu Santo.

Hindi po tayo mananatiling forever dito sa lupa. Pinangako ni Hesus ang buhay na walang hanggan na naghihintay sa atin. Dahil ang simbahan ay tahanan ng Diyos, magsilbi rin nawa itong tahanan ng bawat isa sa atin, bilang parte ng iisang katawan. Nawa’y yumakap at hindi magtaboy ang ating simbahan sapagkat ganito ang hangad ni Hesus. Magkakaiba man, may mga kakulangan man, patuloy pa rin tayong tinitipon at hinahanda upang maging biyaya rin sa iba. Pangalagaan natin ang ating simbahan. Mahalin at tanggapin po natin ang isa’t isa. Amen.

  • Fr. Mat de Guzman ng Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc