Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 10, 2025 – Biyernes, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 11, 15-26

Nang nakapagpalayas si Hesus ng demonyo, sinabi ng ilan sa mga tao: “Pinalalayas n’ya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi n’ya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat Kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung may sandatang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Ngunit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin s’ya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy-laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Ngunit wala s’yang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap s’ya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa sa kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”

Pagninilay:

Sino ang kinikilala mo na influencer sa ‘yo? Halimbawa, sa bawat swipe mo sa screen, may kasamang tanong: Bakit sila sumisikat? Ako, laging palpak. Pero teka, sino ba ang nagpauso ng sukatan? Followers? Likes? Kapanalig, baka inggit ‘yan. Insecurity. Mga influencer na hindi mo alam, bad spirit na pala ang energy. May friend ka na paulit-ulit kang sinasaktan. Sa salita, sa kilos, sa emosyon. Pero bumabalik ka pa rin, kasi akala mo, ‘yun ang love. Pero ang totoo, takot ‘yan. At worse, nawawala ang self-worth mo. Bad spirit na naman. Kaya tanong ko: sino ba ang sinusundan mo? ‘Yung mundo na laging may filter, o si Lord na ating Holy Influencer? Siya ang i-follow natin. Lilinisin Niya ang cobwebs sa isip natin. Besides, wala siyang sponsored lies, walang fake advice. Ang content Niya: grace, truth, and unconditional love. Kaya ngayon, hamon ko sa ’yo na i-unfollow mo na ang inggit, loss of self-worth, takot. ‘Wag mo silang pababalikin pa. One thing more, hindi mo kailangang maging viral para maging bida. Ang ating Hesus Maestro bilang Holy Influencer, ginagawa Niya tayong laging mahalaga. Wala tayong dapat patunayan sa Kanya.

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul