Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 10, 2026 – Sabado, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 11:27-28

Habang nagsasalita pa si Hesus, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Hesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”

Pagninilay:

Ang tagumpay ng isang anak ay tagumpay din ng kanyang magulang, lalung-lalo na ng kanyang ina. Sa ebanghelyo ngayon, binigyan ni Hesus ng kahalagahan ang kanyang ina matapos humanga ang isang babae na nagsabing mapalad ang inang nagdala at nagpasuso sa Kanya.Subali’t nilinaw ni Hesus na mas mapalad ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito. Hindi minaliit ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Si Maria ang pinakadakilang halimbawa ng pagsunod dahil pinakinggan at isinabuhay niya ang kalooban ng Diyos mula pa sa simula.

Sa panahon natin ngayon, mayroon pa bang mga taong tunay na marunong makinig?

Makikita natin sa social media ang napakaraming hinaing ng mga biktima ng karahasan, mga nagugutom, mga maysakit, mga nasiraan ng kabuhayan at mga pananim dahil sa mga bagyo at baha. Maraming silang kathang mga awitin na nagpapahayag ng kanilang daing, pagsusumamo ng tulong at nagpapakonsensya sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpabaya at nagpakasasa sa pera ng bayan. Maaaring naririnig sila pero parang hindi pinakikinggan.

Mga kapatid, mahirap makinig dahil mayroon itong hihilingin sa atin. Ganito rin ang pakikinig sa Salita ng Diyos, dahil may kaakibat itong paghamong gumawa ng katarungan at kabutihan: Ayon sa Mikas 6:8, hiniling ng Diyos na gumawa tayo ng katarungan, mahalin ang awa, at lumakad nang may pagpapakumbaba sa Kanya. Hilingin natin kay Maria, ating Ina, na matularan natin siya sa pakikinig at pagtalima sa kalooban ng Diyos.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp | Daughters of St. Paul