Ebanghelyo: Lucas 11, 27-28
Habang nagsasalita pa si Hesus, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Hesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Pagninilay:
Nakita ng babae ang makapangyarihang mga gawa ni Hesus at narinig niya ang kanyang kamangha-manghang turo. Kaya’t sinabi niya: “Mapalad ang iyong ina!” Sa sagot ni Hesus na, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito,” binago ni Hesus ang pokus ng pagpapala ng kanyang ina. Si Maria ay pinagpala, hindi dahil kahanga-hanga ang anak niya, kundi dahil siya ay nakikinig sa salita ng Diyos at isinasabuhay ito. Ang pagpili ng Diyos kay Maria upang maging ina ng Kanyang Anak ay regalo ng Diyos. Ngunit ang pakikinig ni Maria sa salita ng Diyos at pamumuhay ayon dito ang regalo ni Maria sa Diyos. Maaaring wala tayong kapamilya na magpapasaya sa atin, pero kung makikinig tayo sa salita ng Diyos at mamumuhay ayon dito, pinagpapala tayo. Pagpapala ang makadama ng kapayapaan at kagalakan sa kaibuturan ng ating pagkatao, sa kabila ng mga pagsubok at pagdurusa.
Maaaring hindi madaling magbigay ng panahon upang makinig sa salita ng Diyos dahil marami tayong pinagkaka-abalahan araw-araw. Pero para saan ba ang lahat ng ito, kapanalig? Hindi ba para makamit ang kaligayahan? Kaya, kung ang pakikinig sa salita ng Diyos ang tiyak na paraan para maging masaya, bakit hindi natin ito binibigyan ng panahon? Ang pang-akit ng pera, kapangyarihan, at kasiyahan ay parang awit ng sirena na nagpapatulog sa ating espirituwal na pandama. Sinasabi natin sa ating sarili: “Mamaya; bibigyan ko ito ng pansin mamaya.” Maya-maya, nagiging oyayi na ito, at bago tayo matauhan, oras na ng kamatayan; ng espirituwal na kahirapan at bangkarota.
Si Maria ang ating modelo ng nakikinig sa salita ng Diyos, pinag-ninilayan at isinasabuhay ito. Kung araw-araw tayong makikinig sa salita ng Diyos at susundin ito, maliliwanagan ang ating isipan sa pagde-desisyon, magiging matatag tayong harapin ang mga pagsubok sa buhay. At mapupuspos ang ating puso ng kapayapaan at pagmamahal na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay.
Kaya’t manalangin tayo: Panginoong Hesus, sa pamamagitan ni Maria, bigyan mo kami ng lakas ng loob upang bigyan namin ng panahon ang pakikinig sa iyong salita, higit pa sa ibang mga pinagkakaabalahan sa aming buhay. Amen.
Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul