Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 13, 2025 – Lunes, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)  | Paggunita kay Santa Eduvigis (Heidi), namanata sa Diyos | Paggunita kay Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga

Ebanghelyo: Lucas 11, 29-32

Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Hesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan subalit walang ibang palatandaang ibibigay dito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ang mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon; Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga- Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa sa Jonas.”

Pagninilay:

Mga kapanalig, sa Mabuting Balita ngayon, nabanggit ang Reyna ng Timog, na naglakbay mula sa malayong dako upang makita si Haring Solomon at subukin ang kanyang karunungan. Ayon sa Lumang Tipan, nang magkita sila, inilahad niya ang lahat ng nasa kanyang puso at isipan, at nasagot ito nang buong karunungan ni Solomon. Sa kanyang kagalakan at pagkamangha, pinuri niya ang Diyos na nagbigay kay Solomon ng dakilang karunungan. Inialay niya ang ginto, pabango, at hiyas bilang tanda ng paggalang. Ipinakita ng Reyna na handa siyang ipagpalit ang materyal na yaman para sa tunay na karunungan.

kapanalig, gaano mo pinapahalagahan ang karunungan sa iyong buhay? Kritikal ka ba sa pinanggagalingan ng iyong kaalaman? Anong handa mong ipagpalit upang makamtan ang karunungan? At sa dami ng mapagkukunan, saan ka kumukuha ng tunay na karunungan? Mayroon pang higit kay Solomon at sa kinalilibangan natin na mga trending reels at hinahangaang influencers. Huwag nating kalimutan na si Hesus ang bukal ng tunay na karunungan. Ang Salita ni Hesus ay puno ng karunungan na siyang ilaw na gagabay sa atin araw-araw upang piliin ang kalooban ng Diyos. Sabi sa aklat ng Karunungan, “Taimtim ninyong isipin ang Panginoon, at taos-pusong hanapin siya. Matatagpuan siya ng mga hindi nag-aalinlangan sa kanya. Nagpapakita siya sa mga lubos na nagtitiwala sa kanya.” Amen.