Ebanghelyo: Lucas 11, 37-41
Matapos magsalita si Hesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali n’yong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan subalit nag-uumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob. Mga hangal! Hindi ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob? ngunit naglilimos lamang kayo at sa akala n’yo’y malinis na ang lahat.”
Pagninilay:
Naranasan mo na bang dumalo sa isang handaan? Napansin ba ng nag-anyaya sa ‘yo ang mga kilos mo? Embarrassing, ‘di po ba? Ito ang nangyari nang dumalo si Hesus kasama ang Kanyang mga alagad sa bahay ng isang Pariseo. May kaalaman at nagtuturo tungkol sa batas ng mga Hudyo ang mga Pariseo. Isa na rito ang detalyadong paghuhugas ng kamay bago kumain na para kanila ay dapat tupdin. Ngunit sinabi ni Hesus: “Kayong mga Pariseo ay naglilinis ng labas ng mga baso at mga pinggan, ngunit ang loob ng inyong mga puso ay puno ng kasamaan at kasakiman.” Paano ba natin masasabing kailangang linisin ang ating puso? Kung tayo ay nagpapatukso sa paggawa ng kasa-lanan at namumuhay sa kasakiman, sa kasinungalingan, sa katiwalian, sa kawalan ng hustisya. Nagbabadya ang mga ito na kailangan ng matinding paglilinis ng ating puso.
Pero kung may malalim na ugnayan tayo sa Diyos at kung bukas ang ating puso sa pagtalima sa Kanya, simula na ito ng proseso sa paglilinis ng ating puso.
Totoo po, wala sa paghuhugas ng mga kamay, mga pinggan at mga tasa, ang pagiging malinis ng isang tao. Ang kalinisan ay nagmumula sa kaibuturan ng puso, na nag-uudyok sa atin sa pagbabagong buhay at pagbabagong-anyo ng ating pagkatao sa mata ng Diyos at ng ating kapwa.
Tulad ng mga Pariseo, marami tayong mga seremonyas na sinusunod, na kung minsan ay hindi naman mahalaga. Nguni’t ang pagbabago ng ating pananaw tungkol sa mga bagay na ating pinahahalagahan ang magbibigay-daan sa atin, upang maunawaan at mahalin ang ating kapwa. Isa-isip din natin na ang maling paghusga ang nagiging daan sa katiwalian at sanhi ng kamatayan sa mga walang sala. Mga kapanalig, hinihintay ng Diyos ang ating tugon sa paanyaya na magbalik-loob sa Kanya.
Manalangin tayo: Panginoon, buksan Mo po ang aming kaisipan at bigyan Mo po kami ng pusong maunawain at nagmamahal sa ‘Yo at sa aming kapwa. Amen.
- Sr. Divina De Claro, fsp l Daughters of St. Paul