Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 14, 2026 – Miyerkules, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 11:42-46

Sinabi ni Hesus: “Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan n’yo naman ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto n’yong mabigyan ng pangunahing upuan sa sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at hindi man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Hesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang napakabibigat na pasanin, at hindi man lang n’yo hinihipo ang pasanin ng kahit isang daliri.”

Pagninilay:

Kahabag-habag: apat na beses itong binanggit ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Not once, not even twice, kundi apat na beses. Sa Bibliya, kapag inuulit-ulit ang salita, ibig sabihin mahalaga ito. Ganito rin tayo, ‘di ba? Kapag inuulit-ulit natin ang ating sinasabi, malamang, gusto nating itong bigyang-diin. “Kahabag-habag,” o “kalunos-lubos.” “Kaawa-awa.”

Sa unang tingin, parang pinupuna lang ni Hesus ang mga Pariseo at ang mga eskriba at tagapagturo ng Kautusan sa kanilang pagku-kunwari, sa kanilang kawalang-habag sa kapwa. Ngunit kung babasahin natin nang mas malalim, hindi ito paghatol kundi isang paanyaya. Ipinapakita niya ang kanilang pagkakamali upang mabuksan ang kanilang puso. Nais niya silang magnilay, magbalik-loob, at humingi ng awa. Ito’y paghahayag ng pag-ibig ni Hesus sa lahat, kahit o lalo na sa mga makasalanan. Gusto niyang mailigtas ang taong nagkakamali. Inaanyayahan rin tayo ni Hesus na huwag matakot lumapit sa Kanyang awa. Hindi tayo dapat manatili sa ating kahinaan o pagkakamali. Sapagkat higit sa lahat, mapagmahal ang ating Diyos at lagi siyang handang magpatawad sa sinumang tunay na nagbabalik-loob.

Manalangin tayo:

Panginoong Hesus, salamat sa Iyong walang-hanggang habag sa amin. Buksan Mo ang aming mga mata upang makita namin ang aming mga pagkukulang, at ang aming puso upang tunay kaming magsisi at magbago. Bigyan Mo kami ng lakas na talikuran ang aming kasalanan, kahit gaano man ito kahirap. At, turuan Mo kaming maging mapagpatawad sa aming sarili, at sa aming kapwa. Amen.

  • Florence Ann De Castro ng Order of Consecrated Virgins ng Archdiocese of Manila