Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 16, 2025 – Huwebes, Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)  | Paggunita kay San Eduvigis (Heidi),  namanata sa Diyos | Paggunita kay Santa Margarita Maria Alacoque, dalaga

Ebanghelyo: Lucas 11, 47-54

Sinabi ni Hesus: “Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa Mga Propetang pinatay ng inyong mga ama. Sagayon n’yo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang Mga Propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon. At Sinabi rin ng karunungan ng Diyos; Nagsugo ako sa kanila ng Mga Propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito. Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinahadlangan pa ninyo pa ang mga makapapasok” Pagkatapos ay umalis si Hesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na nakipagtalo sa kanya. Pinagpagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.

Pagninilay:

Sinasabi sa Mabuting Balita ngayon: “Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kaya’t papapanagutin ang salinlahing ito.” Mahirap ang maging propeta – ang magsabi ng totoo at manindigan para sa katotohanan. Ito ang hamon para sa ating lahat na natatakot umimik at magsalita laban sa mga katiwalian na nasasaksihan natin, kahit na nga kasama tayo sa mga inaapi at napeperwisyo nito. Pero mas mahirap tanggapin ang katotohanan na tayo ang nagkamali: nagsinungaling, nagpadala sa suhol, at nabulag sa kinang ng kapangyarihan, kayamanan, at luho ng katawan. Nangangatwiran pa nga ang iba ng: “Sino ba ang ayaw sa hayahay na buhay? At saka, hindi lang naman ako – marami kaming sangkot dito!”

Anuman ang parte natin sa kaguluhan sa ating bayan ngayon, isa lang ang makapagpapalaya sa atin: ang Katotohanan! Ang pag-amin sa ating kasalanan at kamalian, paghingi ng kapatawaran, at pagsisikap na ibalik anuman ang kinuha sa hindi-makatarungang paraan. Napakahirap mangyari nito dahil ang natural na reflex natin ay ang ipagtanggol ang sarili, at isisi ang lahat sa ibang tao. Kagaya ng mga Pariseo sa Ebanghelyo ngayon na nakipagtalo pa kay Hesus at pilit na sinilo siya. Pero kung hahayaan natin si Hesus, ang Katotohanan, na lumukob sa atin, at bubuksan natin ang ating puso sa kanyang Mahal na Puso, walang imposible.

Sabi ni Santa Margarita Maria Alacoque na nakatanggap ng mensahe mula sa Sagrado Corazon de Hesus: “Hiniling ng Panginoon ang aking puso. Hiniling ko sa kanya na kunin ito. Inilagay niya ang puso ko sa kaibig-ibig niyang puso. Pagkatapos ay ipinakita niya sa akin na parang isang maliit na atom ang puso kong natupok sa kaniyang nagniningas na puso.” Sa sumunod na mga mensahe, “ipinahayag niya sa akin ang kanyang dalisay na pag-ibig at ang sukdulan ng kanyang pagmamahal sa sang-katauhan.” Ito ang Katotohanang makapagpapalaya sa atin. Ang dalisay na pag-ibig ng Diyos na walang kondisyon at hindi nagsasawang magpatawad. Kapanalig, ano ang bumibilanggo sa iyo? Gusto mo bang lumaya bilang minamahal na anak ng Diyos? Handa ka bang magpatotoo at magpakatotoo?

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul