Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 17, 2025 – Biyernes, Paggunita kay San Ignacio ng Antioquia, obispo at martir

Ebanghelyo: Lucas 12, 1-7

Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na hindi mabubunyag, walang natatago na hindi malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayo ng matakot; mas mahalaga kayo kaysa maraming maya.”

Pagninilay:

Dumagsa ang libu-libong tao upang makinig kay Hesus, at sa dami nila ay nagkatapakan na. Hindi pinili ni Hesus na mangaral ng tungkol sa tagumpay o kasikatan. Ang una Niyang babala: “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo – ang kanilang pagkukunwari.”

Malinaw ang paalala: walang lihim na mananatiling lihim. Lahat ng ating iniisip, sinasabi o ginagawa, mabuti man o masama, ay mabubunyag. Kaya’t imbes na magpanggap sa harap ng tao, mas mahalagang maging totoo sa Diyos. Dahil higit na nakikita Niya ang ating puso kaysa sa ating anyo.

Aktibong naglilingkod sa simbahan si Aling Zeny. Lagi siyang nakikita ng lahat bilang mabait at relihiyoso. Ngunit sa bahay, madalas siyang mainitin ang ulo, bugnutin at nagagalit kahit sa mga maliliit na bagay. Isang araw, napagtanto niya: “Anong silbi ng paglilingkod ko at pagpapakita ng kabanalan kung hindi naman nagbabago ang aking kalooban?” Simula noon, sinikap niyang mabuhay nang may katapatan – totoo sa harap ng Diyos at ng tao.

Ganito ang nais ni Hesus. Ang tunay na kabanalan – hindi palabas, kundi pagiging tapat sa lahat ng oras. Pinaalala ni Hesus kung sino ang dapat nating katakutan. Hindi ang tao na kayang pumatay ng katawan, kundi ang Diyos na may kapangyarihan sa buhay at kaluluwa. Ang kanyang pangako: “Huwag kayong matakot, higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” Ito ang ating lakas: mahalaga tayo sa Diyos. Kung bilang Niya ang bawat hibla ng ating buhok, gaano pa kaya ang ating mga pangangailangan, ang ating mga luha, at ang ating mga pangarap?

Mga kapanalig, sa gitna ng takot at tukso ng pagkukunwari, piliin nating maging totoo. Sapagkat ang Diyos na nakakakita sa lahat ang Siya ring nagmamahal sa atin nang higit sa lahat. Huwag tayong matakot, mahalaga tayo sa Kanya.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul