Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 18, 2025 – Sabado, Kapistahan ni San Lucas, Manunulat ng Mabuting Balita

Ebanghelyo: Lucas 10, 1-9

Humirang ag Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan.  Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggawa; idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani lumakad na kayo isinugugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat.  Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas.  At huwag n’yong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan.  Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang iyong dasal.  At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod.  Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bahay kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n’yo anumang ihain sa inyo.  Pagalingin din ninyo ang mga maysakit Doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”

Pagninilay:

Sa ating Ebanghelyo ngayon, sinugo ni Hesus ang pitumpu’t dalawang disipulo upang magpahayag ng mabuting balita. Noong panahon ni Hesus, ang alam ng mga tao ay mayroon lamang pitumpu’t dalawang mga bansa sa buong mundo, kaya naman ang bilang na ito ay nangangahulugan na ang intensiyon ni Hesus ay ang magsugo ng mga disipulo sa lahat ng mga bansa—sa buong mundo. At hindi lamang niya sila isinugo nang mag-isa. Sinugo niya sila nang dala-dalawa. Ano ang ibig sabihin nito?

Ibig sabihin, ang pagsusugo ni Hesus sa kanyang mga disipulo nang dala-dalawa ay katibayan na hindi lamang gawain ng iisang tao ang pagpapahayag ng mabuting balita—kundi misyon ito ng magkakaibigan, ng isang buong pamilya, ng isang buong komunidad, o ng buong bansa.

Mas makapangyarihan ang pagpapahayag ng mabuting balita kung ito ay isasabuhay hindi lamang ng iisang tao. Layunin ni Hesus na gawing saligan ng pamumuhay ng magkakaibigan, magkakapamilya, ng bawat komunidad, at ng buong bansa ang mga utos at aral niya.

Manalangin tayo, Panginoon Hesus, gawin mo kaming sambayanang namumuhay sa pag-ibig, katarungan, at kapayapaan ayon sa turo mo. Amen.

  • Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul