Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 2, 2025 – Huwebes | Paggunita sa mga Banal na Anghel na Tagatanod

Ebanghelyo: Matthew 18:1-5,10

Lumapit kay Hesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: Na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

Pagninilay:

Isa po sa personal kong debosyon ay ang magdasal sa aking Guardian Angel. Ang panalanging sikat tungkol sa kanila na Angel of God, my guardian dear ay hindi lamang pambata, kundi isang matandang panalanging tinatayang mula pa noong ika-11 o ika-12 siglo na sinasabing nagmula kay Reginald of Canterbury. Ang mga anghel po ay mga spiritual beings na ang pangunahing tungkulin ay sambahin at manikluhod sa Diyos (Is 6:3, Lk 2:13-14, Rev 7:11-12). Kaya bagamat may malayang pagpapasya rin ang mga anghel, ang kanilang pangunahing gawain ay tuparin ang kalooban ng Diyos. Kaya naman, huwaran natin sila sa pagsamba at pagtupad sa kalooban ng Diyos.

Mayroon po akong gustung-gustong litrato ng guardian angel na nakapinta sa Temple of St. Paul sa Alba, Italy. Kung mapapansin niyo po, may guardian angel na ginagabayan ang bata at hindi siya nakatingin sa bata kundi sa mukha ni Hesus. Ayon kay Hesus na nakasulat sa Mateo 5:8, “Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang mukha ng Diyos.” Mga kapanalig, tulad ng paalala sa atin ng Panginoong Hesus, sana po sikapin nating maging malinis ang puso—tulad ng isang maliit na bata—upang balang araw mabanaagan, makita, at matitigan natin ang mukha ng Diyos. Amen.