Ebanghelyo: Lucas 12, 49-53
Pagninilay:
Tubig at Langis: dalawang substance na kahit kelan ay hindi pwedeng pagsamahin. Kahit ilagay mo ito sa isang bote, hinding-hindi sila maghahalo. Ito ang naisip kong simbolo ng mensahe ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Paanong si Hesus na tinatawag na Prinsipe ng Kapayapaan ay hindi naman pala kapayapaan ang dala kundi “pagtutunggalian”? Kapanalig, ang pagsunod kay Hesus ay nangangailangan ng matatag na paninindigan at mapanagutang desisyon. Dahil ang pananahimik sa gitna ng kadiliman at kasinungalingan ay parang pagbibigay na rin ng pahintulot na lumaganap ang kasamaan. Kung gusto nating paghariin ang katotohanan, kailangan nating labanan ang naghahasik ng fake news at disinformation. Hindi tayo maaring manatili sa gitna lamang at sabihing, “Neutral kami. Ayaw naming makisawsaw sa gulo nila.”
Kapanalig, ang pananahimik sa gitna ng mainit na issue ng corruption sa flood control projects at iba pang proyekto ng gobyerno ay pagkunsinti sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Maluho at marangya ang pamumuhay ng pamilya ng mga contractor na naka-umit ng billiones mula sa mga patrabaho ng gobyerno, na nakikita natin sa social media. Red flag ito ng corruption na maaring kinasasangkutan ng kanilang mga magulang. Kapanalig, ito ang sinasabi ni Hesus na hindi kapayapaan ang hatid niya sa ganitong sitwasyon. Kailangan nating labanan ang katiwalian, manindigan sa katotohanan, at ituwid ang mga pagkakamali kung nais nating pagharian tayo ni Hesus at mapuspos tayo ng kanyang kapayapaan.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul