Ebanghelyo: Lucas 13:1-9
Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinasabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang yan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ang tore sa Siloe, sa akala n’yo ba’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta siya para maghanap ng mga bunga subalit wala siyang nakita. Kaya sinabi niya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo iyan at pampasikip lang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na siya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga siya ngunit kung hindi’y saka mo siya putulin.
Pagninilay:
Sa ebanghelyong narinig natin, sinagot ni Hesus ang tanong na alam niyang nasa isip ng mga Hudyo: Nangyayari ba ang mga trahedya sa ilang tao dahil nakagawa sila ng mga kasalanang higit kaysa sa iba? Sinabi ni Hesus na “hindi”, ngunit pinayuhan niya ang lahat na magsisi. Hindi mapagparusa at mapaghiganti ang Diyos. Nais niyang maligtas ang lahat. Gayunpaman, dahil makasalanan tayo, kailangan nating akuin ang ating mga kasalanan at magsisi. May mga taong hindi nakadarama ng pangangailangang magsisi dahil hindi sila mamamatay-tao, nangangalunya, nagnanakaw, atbp. Mabubuting mamamayan sila, mabubuting magulang at nagsisimba. Pero hindi sapat ang hindi gumawa ng malalaking kasalanan. Paano ang pagpapasalamat sa Diyos sa buhay at mga biyayang ibinibigay Niya sa atin araw-araw? Nagsisimba nga at tumatanggap ng mga sakramento? Pero, meron bang kawanggawa? Kung nakakita ka ng isang tao na lubhang nangangailangan at mayroon kang paraan para tumulong, ngunit tumalikod ka at tumingin sa malayo, nagiging kasalanan ito para sa iyo. Ang mga tagasunod ni Hesus ay tinawag upang magbunga ng kabutihan at pagmamahal. Isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng tigang na puno na gustong putulin ng panginoon, ngunit ang hardinero ay humingi ng panahon, at nangakong mas aalagaan niya ito at lalagyan ng pataba upang magbunga ito. Si Hesus ang ating mabuting hardinero na nagsusumamo para sa atin sa Ama at nagbibigay-daan sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo na magbunga ng kabanalan. Salamat, Panginoong Hesus. Para sa iyo, magsisimula akong muli ngayon. Amen.
- Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul