Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 26, 2025 – Ika-30 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 18, 9-14

Sinabi ni Hesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ “Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.

Pagninilay:

Ang talinhaga o kwento tungkol sa Pariseo at publikanong nagdarasal sa templo ay bahagi ng pagpapaliwanag ni Hesus tungkol sa panalangin. Binalaan ni Hesus ang mga tao na huwag tularan ang disposisyon ng Pariseo, at tularan ang ginawa ng publikano.

Ang Pariseo ay nagdasal sa kanyang sarili at hindi sa Diyos. Ang laman ng kanyang panalangin ay pagmamalaki at panghahamak sa iba. Punong-puno ng pagmamataas ang kanyang puso.

Kabaligtaran ito ng publikano. Ang publikano ay nanalangin nang may pagsisisi sa kanyang mga kasalanan. Hindi niya tiningnan ang kanyang sarili, sa halip ay inusisa niya ang mga pagkakamali niya sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay niyang kausap ang Diyos.

Pagpapakumbaba ang susi upang tunay nating makausap ang Diyos sa panalangin. At ang pagpapakumbabang ito’y nagsisimula sa pagkilala natin sa kabutihan ng Diyos, at pag-amin natin sa mga pagkukulang natin sa Kanya.

Manalangin tayo. Panginoon, bigyan mo ako ng pusong may pagsisisi sa lahat ng aking pagkukulang sa ’yo at sa aking kapwa. Amen.

  • Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul