Ebanghelyo: Lucas 13, 10-17
Nagtuturo si Hesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na siyang may espiritung nagbibigay-sakit; nakakandakuba na siya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Hesus, tinawag siya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang tuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi niya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” “Mga mapagkunwari, hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Hesus.
Pagninilay:
Labing-walong taon nang kuba ang babae sa sinagoga. Halos kalahati ng kanyang buhay, ginugol na nakayuko, tila ba ipinapasan sa kanya ang bigat ng mundo. Maaaring iniwasan siya ng mga tao, minamaliit, o nakalimutan na. Ngunit isang Araw ng Pama-mahinga, nakita siya ni Hesus. Hindi siya lumapit, si Hesus mismo ang tumawag: “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” Ipinatong ni Hesus ang kanyang mga kamay sa babae, agad itong nakatayo nang tuwid at nagpuri sa Diyos. Ito ang kapangyarihan ng pagtingin ni Hesus; nakikita Niya hindi lamang ang ating katawan kundi ang ating sugatang kalagayan. Higit sa lahat, nais Niya tayong palayain. Siempre hindi lahat natuwa. Para sa pinuno ng sinagoga, mas mahalaga ang batas kaysa sa tao. Nakalimutan niyang para sa kapahingahan at kagalingan, hindi sa pagpapahirap ang Araw ng Pamamahinga. Kaya’t tinawag silang mapagkunwari ni Hesus: kung inaalagaan nila ang kanilang hayop kahit Araw ng Pamamahinga, gaano pa kaya ang isang anak ni Abraham na labingwalong taon nang may karamdaman? Matagal nang galit sa kanyang kapatid si Aling Rosa. Sa tuwing naiisip niya ito, para bang may nakadagan sa kanyang dibdib. Sa isang misa, narinig niya ang tungkol sa pagpapatawad. Buong tapang siyang nagdasal: “Panginoon, palayain Mo po ako.” Simula noon, unti-unting gumaan ang kanyang pakiramdam, hanggang tuluyan na niyang pinatawad ang kanyang kapatid. Kapanalig, marami sa atin ang “kuba,” dahil sa dala nating sama ng loob, bigat ng problema, o sugat ng nakaraan. Ngunit narito si Hesus, nagsasabing: “Malaya ka na.” Hindi lang para sa pahinga ng katawan, kundi kalayaan ng puso ang tunay na Araw ng Pamamahinga. Kung hahayaan natin si Hesus na hilumin ang ating sugat, matututunan nating tumayo nang tuwid, lumaya mula sa tanikala, at sabay-sabay magpuri sa Diyos na nagmamahal at nagpapalaya.
– Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul