Ebanghelyo: Lucas 10:17-24
Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” Sinabi naman ni Hesus: “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil n’yo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Hesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa inyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ng Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Hesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ang inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, masayang-masaya ang pitumpu’t dalawang alagad. Marami silang nagawa sa pangalan ni Hesus. Nakaranas sila ng kapangyarihan, tagumpay, at nag-bunga ang kanilang misyon. Ngunit tila may isang bagay na nais itama ni Hesus sa kani-lang kagalakan: Huwag ninyong gawing sukatan ng inyong halaga ang inyong mga nagawa. Napakadali rin nating mahulog dito. Masaya tayo kapag naging matagumpay ang ating apostolate/misyon, maganda ang resulta ng isang proyekto, maraming tumugon sa ating mensahe o panawagan, o napansin ang ating ambag. Ngunit kapag walang nakapansin, kapag tila walang bunga ang ating pagpapagal o pagsasakripisyo, o kapag may pumuna sa atin, bigla nating nararamdaman na parang walang saysay ang ating ginagawa. Kaya sinasabi ni Hesus: “Magalak kayo, dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.” Hindi nakasalalay ang tunay nating halaga sa dami ng nagawa kundi sa minamahal at tinawag tayo ng Diyos. Napakahalagang maalala ito sa ating buhay. Maaari tayong maging abala sa paglilingkod ngunit unti-unting nakakalimot kung para kanino tayo naglilingkod. Maaari nating ipangaral ang Diyos ngunit hinahanap naman na makilala ng iba. Maaari nating ibigay ang lahat sa misyon ngunit nasasaktan kapag hindi tayo pinahalagahan.
Ngayong araw, tanungin natin ang ating sarili: Kung walang makakakita sa aking ginagawa, gagawin ko pa rin ba ito para kay Hesus? Kung walang papuri, sapat na ba sa akin na alam ng Diyos ang aking katapatan? Ina-anyayahan tayo ni Hesus sa isang mas malalim na kagalakan: ‘yung hindi nakasalalay sa achievement, recognition, o approval ng iba. Ang manatiling tapat sa pagmamahal ng Diyos ang pinakamagandang tagumpay.
Mga kapatid, gawin natin nang buong puso ang tungkulin, ngunit huwag nating hayaang ito ang maging ating pagkaka-kilanlan. Hindi tayo mahal ng Diyos dahil marami tayong nagagawa. Marami tayong nagagawa dahil una Niya tayong minahal. Kapag ito ang naisapuso natin, nagiging mas malaya, mas mapagpakumbaba, at mas masaya ang ating paglilingkod.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul