Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 30, 2025 – Huwebes, Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: Lucas 13, 31-35

Dumating ang ilang Pariseo at binalaan s’ya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kasing ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Hesus: “Puntahan n’yo ang musang na ‘yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko. Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang Mga Propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, maiiwan sa inyo ang inyong bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi n’yo na ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin n’yong ‘Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”

Pagninilay:

Binalaan ng mga Pariseo ang ating Panginoong Hesus na lumayo, dahil balak siyang patayin ni Herodes. HIndi ko alam kung tapat sila at talagang concerned sa kaligtasan ng Panginoon, o sugo sila ni Herodes, para takutin si Hesus at nang itigil ang kanyang pangangaral at paggawa ng mga himala.

Mula noon, hanggang ngayon, nalalagay sa panganib ang buhay ng mga nagsasalita laban sa maling kalakaran. Nakita natin kung ano ang inabot na paninira at paninikil ng mga whistle blowers; ang iba nga ay binaligtad pa at nabilanggo. Napapahamak ang mga pumupuna sa mga maling kalakaran, maging sa kompanya man o ahensiya ng gobyerno. Maaring mawalan sila ng trabaho at kung minamalas-malas, ay pwede pang gawan ng kaso; and worst of all, pwedeng ipaligpit.

Tayo, bilang mga anak ng Diyos, ay dapat maging mulat ang mga mata at huwag magpakasangkapan sa mga tiwali. Huwag nating ipikit ang ating mga mata o kaya ay tumalikod, sa lantarang maling gawain. Tandaan natin: Hindi magtatagumpay ang mali kung may nanunuri. Magkapit-bisig tayo at manalangin na kahabagan tayo ng Panginoon. Bigyan nawa niya tayo ng tapang at lakas nang loob upang huwag ipagkibit-balikat ang mga katiwalian sa paligid natin. Huwag tayong magpa-alipin sa pagwawalang bahala. Nasa pagsasanib-lakas ang tagumpay.

Manalangin tayo: Panginoon, itinataas po namin sa iyo ang mga anak mong nasasadlak sa maling gawi. Nawa’y magbagong-buhay sila habang hindi pa huli ang lahat. Ikaw po ang Liwanag ng mundo, at dahil kasama ka namin, nananalig kaming madadaig ng iyong liwanag ang kadiliman sa aming paligid. Amen.

  • APC Lulu Pechuela