Ebanghelyo: Lucas 10, 17-24
Tuwang-tuwang nagbalik ang pitumpu’t dalawa at ang sabi: “Panginoon, mga demonyo ma’y sumuko sa amin dahil sa iyong pangalan.” “Nakita kong bumagsak na parang kidlat si Satanas mula sa Langit. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihang yumapak sa mga ahas at alakdan. Masusupil ninyo ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang anumang makapipinsala sa inyo. Subalit magalak kayo hindi dahil sa pagsuko sa inyo ng mga espiritu kundi sapagkat nasusulat sa Langit ang inyong mga pangalan.” Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Hesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng Langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama naging nakalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakikilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinuman gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Hesus sa mga alagad at sinabi sa kanila ng sarilinan: “Mapalad ang matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita ngunit hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.”
Pagninilay:
Mababaw ang kaligayahan. Ito ang karaniwang paglalarawan natin sa taong madaling patawanin, pasayahin at makuntento. Kasama yata ako rito. Sa ganito ko nais tingnan ang reaksyon ng mga alagad ni Hesus na masayang nagbibida ng kanilang matagumpay na misyon. Sabi pa nga nila, “Panginoon kahit ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil sa iyong pangalan” (Lk 10:17). Tama lang naman di ba? Nakakabilib na pangyayari ‘yon na kailangang ipagdiwang. Pero, higit pa roon ang nais ibigay sa kanila ni Hesus. Sabi siguro ni Hesus, “Ang babaw naman ng kaligayahan n’yo. What if sabihin ko sa inyo na, “Magalak kayo sapagkat nasusulat sa langit ang inyong pangalan?” (Lk10:20). Wow! Ito ang napaka-inspiring na pangako ni Hesus sa kanyang mga alagad matapos ang kanilang matagumpay na misyon. Inanyayahan sila ni Hesus na ituon ang kanilang atensyon sa higit na dapat nilang ipagbunyi: ang katotohanan na nakasulat na sa langit ang kanilang pangalan. Wow! parang may room reservation na sila sa heaven! Ang sarap isipin na pakatapos ng lahat ng hirap dito sa lupa, may langit na naghihintay sa mga nanatiling tapat at piniling mamuhay nang maayos para sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok at makamundong tukso.
– Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul