Ebanghelyo: Lucas 17, 5-10
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito. “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito sa pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: “Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: “Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”
Pagninilay:
Kung babalikan natin ng konti ang Ebanghelyo sa araw ngayon, ipinapahayag dito ni Hesus ang realidad ng pagsunod sa kanya. Real talk sabi nga. Sinasabi niya na hindi ito magiging madali. Ang buhay ng isang disipulo ay puno ng pagsubok at paghihirap. At nang marinig ito ng mga apostol, ito ang naging tugon at dalangin nila kay Hesus. “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos.” Hindi ba’t napakagandang dalangin? Sa kabila ng paghihirap at pagsubok, sa halip na alisin ito sa kanilang buhay, ito ang kanilang naging panalangin kay Hesus. Ang pananalig na magbibigay-lakas sa kanilang pagdadaanan at maging matagumpay sa mga ito.
Subalit ipinaalala ni Hesus ang dalawang bagay. Una, maging ang ating pagiging disipulo at pananampalataya ay kaloob at biyaya ng Diyos. Pangalawa, maging ang pananampalataya na maihahalintulad sa maliit na buti ay makakagawa ng mga dakilang bagay. Ipinapakita ni Hesus sa talinhaga ang relasyon ng amo at ng alipin, katulad ng relasyon ng tao sa Diyos. Ang ating mga kakayahan na sumunod sa kanya ay nagmumula rin sa kanya. At marapat lamang na paglingkuran natin ang Panginoon. Dahil sa kanyang kabutihan kaya tayo nakagagawa ng mga dakilang bagay sa ating buhay. Kaya ang lahat ng ito ay nagmumula sa grasya ng Diyos.
Nawa, magkaroon tayo ng pananampalataya upang maging tapat at nagpapasalamat na tagasunod ni Kristo.
- Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul