Ebanghelyo: Lucas 10, 25-37
May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Hesus. “Guro, ano ang aking gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Hesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Hesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sariling hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbabalik ko.’” At sinabi ni Hesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Hesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay:
Hatinggabi na noon. Pauwi ka na ako. Pagod. Ramdam ko na ang antok. Pero sa ilalim ng footbridge, may isang batang lalaki. Nakaupo sa karton. Nanginginig. Dala ko pa sa isip ko noon ang eksena sa pelikula dahil nga that time, pauwi ako galing sa School of Film Production and Directing. Sa batang lalaki, walang director. Walang script. Totoo siya. Marami noon na dinadaan-daanan lang siya. Ako? Muntik na rin akong lumagpas. Kasi gabi na. Delikado. Kasi baka, alam na this. Pero may sigaw sa conscience ko. “Kailangan ka niya.” Buti na lang may sandwich sa bag ko. Inabot ko. Kinakabahan din ako dahil may pagdududa pa rin. Agad tinanggap niya. Tumulo ang luha niya. Hindi ko alam baka nagpapasalamat na siya noon. Pero alam ko, sa gabing ‘yon, hindi siya nag-isa. Kapanalig, sa ganitong eksena, hindi kailangan ng kamera. Hindi kailangan ng ilaw. Ang kailangan: puso. Ang kailangan: Ikaw! Kaya kung may makita kang sugatan, hindi sa katawan, kundi sa kalooban, baka ikaw ang sagot sa dasal niya. Huwag kang lalagpas.
-Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughter of St. Paul