Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 6, 2026 – Martes, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 10:38-42      

Pumasok si Hesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

Pagninilay:

Nagugulat ang mga foreigners sa hospitality nating mga Pinoy. Pagkatapos daw ng kumustahan, ang unang tanong ay laging: “Kumain ka na ba?” At kaagad maghahain ng anumang available sa kusina o magkukumahog na maghanda ng makakain.

Ganito rin siguro ang nangyari sa Ebanghelyo ngayon. Binisita ni Hesus ang tahanan ng mga kaibigan niyang magkakapatid na Lazaro, Maria at Marta. Noong panahong iyon, talagang nakatoka sa kababaihan ang pagluluto at pag-aayos ng kabahayan. Kaya talaga namang kailangan ng tulong ni Marta sa paghahanda, lalo na kung kasama ni Hesus ang labindalawang apostol.

Pero nakakagulat si Marta di ba? Parang ordinaryong kaibigan lang na pinagsasabihan niya si Hesus. “Panginoon, balewala ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga ninyo siyang tulungan naman ako.” Napaka-banayad na tumugon si Hesus, at inulit pa niya ang pangalan ni Marta na parang inaamo ito, o bigyan ng pagkakataon ang kaibigan na matauhan. “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuti at ito’y hindi aalisin sa kanya.” Bilang kaibigan, gusto rin ni Hesus na makasama si Martha sa pag-uusap nila, at makinig sa anuman ang sasabihin niya. Kaya lang, nanguna kay Martha ang duty na nakatoka sa kanya.

Minsan katulad tayo ni Marta na abalang-abala sa maraming bagay at wala nang panahon para sa sarili at para sa Diyos. Nabe-burn out sa trabaho at mga responsibilidad sa pamilya at maging sa serbisyo sa simbahan. Pinapaalalahanan tayo ni Hesus na isa lang ang kailangan: manatili sa kanya. Makinig sa kanyang salita at tanungin siya kung ano ang gusto niyang gawin natin. Kapag sinunod natin ang sinasabi niya, mananatili sa ating puso ang kapayapaan at katiwasayan, at magagawa natin anuman ang kailangan nang may kaligayahan.

  • Sr. Rose Agtarap, fsp | Daughters of St. Paul