Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay. May linya si Maricel Soriano sa pelikulang Kaya Kong Abutin Ang Langit. Sabi niya, “Ayoko ng tinatapakan ako. Ayoko ng masikip. Ayoko ng walang tubig. Ayoko ng mabaho. Ayoko ng walang pagkain. Ayoko ng putik!” … Hindi ito romantic. Masakit ito. Totoo ito.
Pero sa gitna ng ganitong realidad, may sinasabi si Hesus sa Beatitudes na tila baliktad sa mundo: “Blessed are you…” Mapalad ang dukha. Mapalad ang umiiyak. Mapalad ang inuusig.
Bakit mapalad? Hindi sinasabi ni Hesus na maganda ang paghihirap—ang sinasabi Niya ay hindi ka nag-iisa sa paghihirap dahil may Diyos na nakakakita, nakikinig, at nangangako, “Rejoice and be glad, for your reward will be great in heaven.”
Kung ikaw ay naghihirap, inaalipusta o iniiwan—hindi ibig sabihin ay talo ka. Malapit ka sa puso ng Diyos.
Mga kapatid, sa mundong nagsasabing “swerte ang may pera at kapangyarihan,” ang Ebanghelyo ay nagpapaalala: mapalad ang marunong magtiwala sa Diyos kahit walang-wala. Kaya magalak ka. Kumapit ka. Magpatuloy ka dahil ang gantimpala ay dakila. Amen
- Fr. Ramil Tapang, ssp l Society of St. Paul