Ebanghelyo: LUCAS 6,27-38
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
Pagninilay:
Mga kapanalig, siksik, liglig at umaapaw sa tagubilin ni Hesus ang Mabuting Balita ngayon. Humigit-kumulang labing walo! Mahalin ang kaaway, huwag mag-expect ng kapalit sa pagbibigay, huwag humusga. Sa social media, kabi-kabila ang temptasyon para makapanghusga. Isang pagkakamaling napicturan o na-videohan ay viral ka na at makatitiyak kang walang panaw na rin ang mga komento sa iyo. Sa tatlumpong segundo o di kaya’y ilang minutong ating nasilip, kumpara sa buong buhay ng taong nasa video, nariyan na tayong handang sumugod sa comment section upang litisin sila ng ating salita, bigyan ng label, tatakan ng stereotype at i-cancel na para bang alam natin ang buong istorya sa kwentong ito. Oo, may mga bagay na talaga namang mali at malinaw na kasalanan. Ngunit bilang mga hindi parte ng kwento ay wala tayong karapatan na makisawsaw sa problema ng iba at gawin itong libangan. Kung susuriin natin ang ating sarili at susumahin ang mga oras na ginugol natin sa chismis o buhay ng ibang tao, matutuwa ba tayo, napalapit ba tayo kay Kristo? Maging maawain tulad ng ama nating maawain.
Hindi niya tayo i-cacancel dahil sa isang kasalanan ngunit patuloy tayong pinagpa-pasensyahan at tinuturuang ituwid ang ating mga gawa at sundan ang halimbawa ni Hesus. Kapanalig, sa susunod na makakita ka ng viral na post, tumigil sandali at ipagdasal ang taong paksa nito. Baka kailangan niya ng pagmamamahal mo.
- Sr. Raine Santos, ssp l Daughters of St. Paul