Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 12, 2025 – Biyernes, Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: LUCAS 6,39-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”

Pagninilay:

Sino ang ginagaya mo sa buhay mo?

Isang simpleng tanong, ngunit mahalagang pagnilayan araw-araw.

Ito rin ang diwa ng Ebanghelyo ngayon:

“Ang bawat alagad ay magiging katulad ng kanyang guro.”

Kung tunay tayong alagad ni Kristo, tinatawagan tayong tumulad sa Kanya — hindi lamang sa salita, kundi sa gawa.

Dito natin makikilala si Maria — Ina at unang alagad ng Panginoon.

Sa kanyang kababaang-loob, buong puso niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos.

Ang kanyang “Fiat” ay sagisag ng pusong handang sumunod, kahit hindi niya ganap na nauunawaan ang lahat. Hindi siya natakot sa gitna ng panganib o paghusga. Sa halip, nanatili siyang tapat hanggang sa paanan ng krus ng Anak niya.

Kaya’t ang Kamahal-mahalang Ngalan ni Maria ay paanyaya sa atin: Matuto tayong maging alagad gaya niya — tahimik, tapat, at puspos ng pananampalataya.

Kung nais nating maging tulad ni Kristo na ating guro, si Maria ang ating Ina na mag-aakay sa landas patungo sa anak niya.

Maria aming Ina, turuan mo kaming tumulad sa iyong Anak. Turuan mo kaming maging tunay na alagad. Amen.

-Rev. Ronel Delos Reyes, ssp l Daughters of St. Paul