Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 14, 2025 – Linggo, Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal

Ebanghelyo: Juan 3,13-17

Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”

 

Pagninilay:

Kapag nasugatan tayo, natural na reaksyon ang umiwas sa bagay na nakasakit sa atin. Gusto nating kalimutan, takasan, itago. Pero sa Mabuting Balita ngayon, ipinakita ni Jesus ang kabaligtaran: “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, gayon din dapat itaas ang Anak ng Tao.” Sa Lumang Tipan, gumaling ang mga Israelita sa lason ng ahas sa pamamagitan ng pagtingin sa imahen ng mismong bagay na nakasugat sa kanila. Sa Bagong Tipan, gumagaling tayo sa lason ng kasalanan sa pamamagitan ng pagtingin kay Jesus sa Krus.

Bakit? Dahil sa Krus, ang ating sugat ay nagtatagpo sa sugat Niya. Doon, pinapasan Niya hindi lang ang ating kasalanan, kundi pati ang ating sakit, takot, at kabiguan.

Ang krus ay hindi lamang paalala ng paghihirap—ito ay pinagmumulan ng kagalingan. Sa tuwing tinitingnan natin si Kristo na nakabayubay, nakikita natin na kahit ang Diyos ay hindi lumayo sa ating kirot. Nandoon Siya mismo, nakikiisa.

Kaya ang pagyakap sa krus ay hindi pagpapahirap sa sarili. Ito ay pagbubukas ng sugat natin sa tanging Makapagpapagaling. Parang sugat na nililinis—masakit sa una, pero kailangan para gumaling.

Kung iiwas tayo sa mga krus ng ating buhay, mananatiling sugatan ang ating puso. Pero kung haharapin natin ang mga ito kasama si Jesus, unti-unting papasok ang kagalingan: sa galit, magkakaroon ng kapatawaran; sa takot, magkakaroon ng lakas; sa kawalan ng pag-asa, darating ang liwanag. Hindi ito mabilis o madali. Tulad ng mga peklat, minsan mahaba ang panahon ng paggaling. Pero bawat araw na iniaalay natin ang ating krus kay Jesus, mas lalalim ang ating tiwala at mas titibay ang ating puso.

Sabi sa Mabuting Balita: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan…” Ang pag-ibig na iyon ang dahilan kung bakit ang krus ay hindi huling kabanata, kundi simula ng bagong buhay.

Kapanalig, ano ang sugat na tinatakbuhan mo? Handa ka bang dalhin ito sa paanan ng Krus at hayaang si Jesus ang maghilom nito?

  • Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul