Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 14, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Juan 3: 13-17

Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit— ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya.”

Pagninilay:

Sino sa inyo ang merong kwintas na may krus? Mahalaga ba sa iyo iyan? Noong panahon ng mga Hudyo, ang krus ay sagisag ng kahihiyan, pagdurusa at kamatayan. Ang pagpapako sa krus ay parusang ipinapataw sa mga lowest criminal lamang. Para sa mga Hudyo ang napapako sa krus ay isinumpa. Iyon ang tiniis at ikinamatay ni Hesus. Bakit? Upang tubusin tayo sa kasalanan at ibalik sa dating katayuan bilang mga anak ng Ama. “Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa daigdig kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang ang lahat ng sumampalataya sa kanya ay huwag mapahamak bagkus magkamit ng buhay na walang hanggan” (Jn. 3:16). Si Hesus, ang masunuring Anak ay nagpakumbaba, at niyakap ang krus upang tayo ay tubusin. Naging instrumento ng kaligtasan, larawan ng pagmamahal ng Diyos ang krus. Pag-isipan natin: bakit ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa tao? Ang taong hindi kumikilala sa kanyang kabutihan. Hindi nagpapasalamat! Lumalabag sa kanyang mga utos! Misteryoso ang pagmamahal ng Diyos: hindi nagmamaaliw.

Kapanalig, naniniwala ka bang mahal ka ng Diyos? Dumadating ba sa iyo minsan ang pagdududa? Lalo na kung sunud-sunod ang mga kasawian sa buhay mo? Tinatanong mo: Mahal ba ako ng Diyos? Itaas ang iyong mga mata sa krus, kay Hesus na nakabayubay doon. Iyan ang patunay ng pagmamahal ng Diyos sa iyo. Paano mo matatapatan ang kanyang pagmamahal?

Panginoong Hesus, ang aking bawat hininga ay isang pasasalamat sa pag-ibig mong hindi matutumbasan. Bigyan mo ako ng lakas na yakapin ang mga krus sa aking buhay dahil sa pagmamamahal sa iyo. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul